Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 46

46 Ang Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.

Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat;

Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. (Selah)

May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.

Ang Dios ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos: tutulungan siya ng Dios na maaga.

Ang mga bansa ay nangagkagulo, ang mga kaharian ay nangakilos: inihiyaw niya ang kaniyang tinig, ang lupa ay natunaw.

Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan. (Selah)

Kayo'y parito, inyong masdan ang mga gawa ng Panginoon, kung anong mga kagibaan ang kaniyang ginawa sa lupa.

Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa; kaniyang binabali ang busog, at pinuputol ang sibat; kaniyang sinusunog ang mga karo sa apoy.

10 Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.

11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan.

2 Paralipomeno 18:12-22

12 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

13 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.

14 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.

15 At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

16 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito'y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa't lalake sa kaniyang bayan.

17 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?

18 At sinabi ni Micheas, Kaya't dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba'y nagsabi ayon sa gayong paraan.

20 At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?

21 At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

22 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

Mga Hebreo 9:23-28

23 Kinakailangan nga na ang mga anyo ng mga bagay sa sangkalangitan ay linisin ng mga ito; nguni't ang mga bagay ring ito sa sangkalangitan ay linisin ng lalong mabubuting handog kay sa rito.

24 Sapagka't hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin:

25 At siya'y hindi rin naman kailangang ihandog na madalas pa ang kaniyang sarili, na gaya ng dakilang saserdote na pumapasok sa dakong banal taon-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili;

26 Sa ibang paraan ay kailangan na siya'y magbatang madalas mula nang itatag ang sanglibutan: datapuwa't ngayon ay minsan siya'y nahayag sa katapusan ng mga panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkahandog ng kaniyang sarili.

27 At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom;

28 Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain