Revised Common Lectionary (Complementary)
141 Panginoon, ako'y tumawag sa iyo: magmadali ka sa akin: pakinggan mo ang tinig ko, pagka ako'y tumatawag sa iyo.
2 Malagay ang aking dalangin na parang kamangyan sa harap mo; ang pagtataas ng aking mga kamay na parang hain sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay, Oh Panginoon, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.
4 Huwag mong ikiling ang aking puso sa anomang masamang bagay, na gumawa sa mga gawa ng kasamaan na kasama ng mga taong nagsisigawa ng kasamaan: at huwag mo akong pakanin ng kanilang mga masarap na pagkain.
5 Sugatan ako ng matuwid, magiging kagandahan pa ng loob; at sawayin niya ako, magiging parang langis sa ulo; huwag tanggihan ng aking ulo: sapagka't sa kanilang kasamaan ay mamamalagi ang dalangin ko.
6 Ang kanilang mga hukom ay nangahagis sa mga tabi ng malaking bato; at kanilang maririnig ang aking mga salita; sapagka't matatamis.
7 Gaya ng kung inaararo at nabubungkal ang lupa, gayon ang aming mga buto ay nangangalat sa bibig ng Sheol.
8 Sapagka't ang mga mata ko'y nangasa iyo, Oh Dios na Panginoon: sa iyo nanganganlong ako; huwag mong iwan ang aking kaluluwa sa walang magkandili.
9 Iligtas mo ako sa silo na kanilang inilagay na ukol sa akin, at sa mga silo ng mga manggagawa ng kasamaan.
10 Mahulog ang masama sa kanilang sariling mga bating. Habang ako'y nakatatanan.
21 At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila.
22 Sa gayo'y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin.
23 At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24 Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
25 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ngayo'y aking ibabalik ang Jacob na mula sa pagkabihag, at maaawa ako sa buong sangbahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26 At sila'y mangagtataglay ng kanilang kahihiyan, at ng kanilang lahat na pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa akin, pagka sila'y magsisitahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27 Pagka sila'y aking nadala uli na mula sa mga bayan, at nangapisan na mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at ako'y inaaring banal sa kanila sa paningin ng maraming bansa.
28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios, sa pagpapapasok ko sa kanila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at sa pagpipisan ko sa kanila sa kanilang sariling lupain; at hindi ako magiiwan sa kanila ng sino pa man doon;
29 Ni hindi ko na naman ikukubli pa ang aking mukha sa kanila; sapagka't binuhusan ko ng aking Espiritu ang sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.
40 Nang ikadalawang pu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasangpung araw ng buwan, nang ikalabing apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masaktan nang kaarawang yaon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin, at dinala niya ako roon.
2 Sa mga pangitain na mula sa Dios ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at inilagay ako sa totoong mataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang bayan sa timugan.
3 At dinala niya ako roon; at, narito, may isang lalake na ang anyo ay parang anyo ng tanso, na may pising lino sa kaniyang kamay, at isang panukat na tambo; at siya'y natayo sa pintuang-bayan.
4 At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka't sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.
23 Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay nararapat. Lahat ng mga bagay ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay.
24 Huwag hanapin ninoman ang sa kaniyang sarili, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.
25 Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi;
26 Sapagka't ang lupa ay sa Panginoon, at ang kabuuan ng naririto.
27 Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa budhi.
28 Datapuwa't kung sa inyo'y may magsabi, Ito'y inihandog na hain, ay huwag ninyong kanin, dahilan doon sa nagpahayag at dahilan sa budhi;
29 Budhi, sinasabi ko, hindi ang inyong sarili, kundi ang sa iba; sapagka't bakit hahatulan ang kalayaan ng budhi ng iba?
30 Kung nakikisalo ako na may pagpapasalamat, bakit ako'y aalipustain ng dahil sa aking ipinagpapasalamat?
31 Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Dios.
32 Huwag kayong magbigay ng dahilang ikatitisod, sa mga Judio man, sa mga Griego man, o sa iglesia man ng Dios:
33 Na gaya ko din naman, na sa lahat ng mga bagay ay nagbibigay lugod ako sa lahat ng mga tao, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakinabangan, kundi ang sa marami, upang sila'y mangaligtas.
11 Maging taga tulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Cristo.
Public Domain