Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 17:1-9

17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.

Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.

Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.

Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.

Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.

Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.

Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.

Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,

Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.

Genesis 38:1-26

38 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.

At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Er.

At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.

At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak.

At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar.

At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.

At sinabi ni Juda kay Onan, Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.

At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.

10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.

12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; at nagaliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.

13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.

14 At siya'y nagalis ng suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha.

16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?

17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?

18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 At siya'y bumangon, at yumaon, at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.

20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan.

21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.

22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.

23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.

24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas upang sunugin.

25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalangtao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.

26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, Siya'y matuwid kay sa akin; sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.

Mga Gawa 24:10-23

10 At nang siya'y mahudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot, Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masiglang gagawin ko ang aking pagsasanggalang:

11 Sapagka't napagtatalastas mo na wala pang labingdalawang araw buhat nang ako'y umahon sa Jerusalem upang sumamba:

12 At ni hindi nila ako nasumpungan sa templo na nakikipagtalo sa kanino man o kaya'y nanggugulo sa karamihan, ni sa mga sinagoga, ni sa bayan.

13 Ni hindi rin mapatutunayan nila sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang isinasakdal laban sa akin.

14 Nguni't ito ang ipinahahayag ko sa iyo, na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta, ay gayon ang paglilingkod ko sa Dios ng aming mga magulang, na sinasampalatayanan ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan, at nangasusulat sa mga propeta;

15 Na may pagasa sa Dios, na siya rin namang hinihintay nila, na magkakaroon ng pagkabuhay na maguli ng mga ganap at gayon din ng mga di ganap.

16 Na dahil nga rito'y lagi rin akong nagsasanay upang magkaroon ng isang budhing walang kapaslangan sa Dios at sa mga tao.

17 At nang makaraan nga ang ilang mga taon ay naparito ako upang magdala ng mga limos sa aking bansa, at ng mga hain:

18 Na ganito nila ako nasumpungang pinalinis sa templo, na walang kasamang karamihan, ni wala ring kaguluhan: datapuwa't mayroon doong ilang mga Judiong galing sa Asia.

19 Na dapat magsiparito sa harapan mo, at mangagsakdal, kung may anomang laban sa akin.

20 O kaya'y ang mga tao ring ito ang mangagsabi kung anong masamang gawa ang nasumpungan nila nang ako'y nakatayo sa harapan ng Sanedrin,

21 Maliban na sa isang tinig na ito na aking isinigaw nang nakatayo sa gitna nila, Tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay ako'y pinaghahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.

22 Datapuwa't si Felix, na may lalong ganap nang pagkatalastas tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban sila, na sinasabi, Paglusong ni Lisias na pangulong kapitan, ay pasisiyahan ko ang inyong usap.

23 At iniutos niya sa senturion na siya'y tanuran at siya'y pagbigyang-loob; at huwag ipagbawal sa kanino mang mga kaibigan niya na siya'y paglingkuran.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain