Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 17:1-9

17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.

Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.

Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.

Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.

Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.

Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.

Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.

Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,

Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.

Deuteronomio 25:5-10

Kung ang magkapatid ay tumahang magkasama, at isa sa kanila'y mamatay, at walang anak, ang asawa ng patay ay huwag magaasawa ng iba sa labas: ang kapatid ng kaniyang asawa ay sisiping sa kaniya, at kukunin siya niyang asawa, at tutuparin sa kaniya ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

At mangyayari, na ang panganay na kaniyang ipanganganak ay hahalili sa pangalan ng kaniyang kapatid na namatay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

At kung ayaw kunin ng lalake ang asawa ng kaniyang kapatid, ay sasampa nga ang asawa ng kaniyang kapatid sa pintuang-bayan sa mga matanda, at sasabihin, Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

Kung magkagayo'y tatawagin siya ng mga matanda sa kaniyang bayan at pangungusapan siya: at kung siya'y tumayo at sabihin niya, Ayaw kong kunin siya;

Ang asawa nga ng kapatid ay paroroon sa kaniya sa harap ng mga matanda at huhubarin ang panyapak niya sa kaniyang mga paa, at luluran siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, Ganyan ang gagawin sa lalake, na ayaw magtayo ng sangbahayan ng kaniyang kapatid.

10 At ang kaniyang pangala'y tatawagin sa Israel, Ang bahay ng hinubaran ng panyapak.

Mga Gawa 22:22-23:11

22 At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay.

23 At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin,

24 Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya.

25 At nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyo na hampasin ang isang taong taga Roma, na hindi pa nahahatulan?

26 At nang ito'y marinig ng senturion, ay naparoon siya sa pangulong kapitan at sa kaniya'y ipinagbigay-alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin mo? sapagka't ang taong ito ay taga Roma.

27 At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga'y taga Roma? At sinabi niya, Oo.

28 At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, Nguni't ako'y katutubong taga Roma.

29 Pagkaraka nga'y nagsilayo sa kaniya ang mga sa kaniya sana'y susulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya'y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kaniya.

30 Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.

23 At si Pablo, na tumititig na mabuti sa Sanedrin, ay nagsabi, Mga kapatid na lalake, ako'y nabuhay sa harapan ng Dios sa buong kabutihan ng budhi hanggang sa mga araw na ito.

At ipinagutos ng dakilang saserdoteng si Ananias sa mga nalalapit sa kaniya na siya'y saktan sa bibig.

Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pablo, sasaktan ka ng Dios, ikaw na pinaputing pader: at nakaupo ka baga upang ako'y hatulan mo ayon sa kautusan, at ako'y sinasaktan mo ng laban sa kautusan?

At sinabi ng nangakatayo sa malapit, Nilalait mo ang dakilang saserdote ng Dios?

At sinabi ni Pablo, Hindi ko nalalaman, mga kapatid na lalake, na siya'y dakilang saserdote: sapagka't nasusulat, Huwag kang magsasalita ng masama sa isang pinuno ng iyong bayan.

Datapuwa't nang matalastas ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanedrin, Mga kapatid na lalake, ako'y Fariseo, anak ng mga Fariseo: ako'y sinisiyasat tungkol sa pagasa at pagkabuhay na maguli ng mga patay.

At nang masabi na niya ang gayon, nangyari ang isang pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo; at nagkabahabahagi ang kapulungan.

Sapagka't sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay na maguli, ni anghel, ni espiritu; datapuwa't kapuwa pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malaking sigawan, at nagsitindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at nakikipagtalo, na nagsipagsabi, Wala kaming masumpungang anomang kasalanan sa taong ito: at ano kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?

10 At nang magkaroon ng malaking pagtatalo, sa takot ng pangulong kapitan na baka pagwaraywarayin nila si Pablo, ay pinapanaog ang mga kawal at ipinaagaw siya sa gitna nila, at siya'y ipinasok sa kuta.

11 At nang sumunod na gabi ay lumapit sa kaniya ang Panginoon, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob: sapagka't kung paano ang pagkapatotoo mo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang patotohanan mo rin gayon sa Roma.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain