Revised Common Lectionary (Complementary)
98 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka't siya'y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:
2 Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.
3 Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.
4 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.
5 Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.
6 Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.
7 Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;
8 Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;
9 Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.
10 Nang magkagayo'y tumingin ako, at, narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin, may nakita na parang isang batong zafiro, na parang isang luklukan.
2 At siya'y nagsalita sa lalake na nakapanamit ng kayong lino, at kaniyang sinabi, Pumasok ka sa pagitan ng nagsisiikot na mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at punuin mo kapuwa ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa bayan. At sa aking paningin ay pumasok siya.
3 Ang mga kerubin nga ay nagsitayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalake ay pumasok; at pinuno ng ulap ang pinakaloob na looban.
4 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay napailanglang mula sa kerubin, at tumayo sa itaas ng pintuan ng bahay; at ang bahay ay napuno ng ulap, at ang looban ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.
5 At ang pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa looban sa labas, na gaya ng tinig ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, pagka siya'y nagsasalita.
6 At nangyari, nang kaniyang utusan ang lalake na nakapanamit ng kayong lino, na sabihin, Kumuha ka ng apoy sa loob ng nagsisiikot na mga gulong mula sa pagitan ng mga kerubin, na siya'y pumasok, at tumayo sa tabi ng isang gulong.
7 At iniunat ng kerubin ang kaniyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, at kumuha niyaon, at inilagay sa mga kamay ng nakapanamit ng kayong lino, na siyang kumuha at lumabas.
8 At lumitaw sa gitna ng mga kerubin ang anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 At ako'y tumingin, at narito, apat na gulong ay nangasa tabi ng mga kerubin, isang gulong ay nasa tabi ng isang kerubin, at ang ibang gulong ay nasa tabi ng ibang kerubin; at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berila.
10 At tungkol sa kanilang anyo, silang apat ay may isang pagkakawangis, na para bagang isang gulong na napasa loob ng isang gulong.
11 Pagka nagsisiyaon, ay nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon, kundi ang kinahaharapan ng ulo ay siyang sinusundan nila: hindi nagsisipihit habang nagsisiyaon.
12 At ang kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak, at ang mga gulong ay puno ng mga mata sa palibot, sa makatuwid baga'y ang mga gulong na tinatangkilik ng apat.
13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sa aking pakinig, ang nagsisiikot na mga gulong.
14 At bawa't isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, at ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, at ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang aguila.
15 At ang mga kerubin ay napaitaas: ito ang nilalang na may buhay na aking nakita sa pangpang ng ilog Chebar.
16 At nang magsiyaon ang mga kerubin, ang mga gulong ay nagsiyaong kasiping nila: at nang itaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang paitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi nagsihiwalay sa siping nila.
17 Pagka sila'y nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka sila'y nangapaiitaas, ang mga ito'y nangapaiitaas na kasama nila: sapagka't ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga yaon.
18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at lumagay sa ibabaw ng mga kerubin.
19 At itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at nangapaitaas mula sa lupa sa aking paningin, nang sila'y magsilabas, at ang mga gulong ay sa siping nila: at sila'y nagsitayo sa pintuan ng pintuang-daang silanganan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
20 At palibhasa'y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita:
21 Ni sasabihin man nila, Naririto! o Naririyan! sapagka't narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.
22 At sinabi niya sa mga alagad, Darating ang mga araw, na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita.
23 At sasabihin nila sa inyo, Naririyan! Naririto! huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisisunod man sa kanila:
24 Sapagka't gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan.
25 Datapuwa't kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.
26 At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.
27 Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.
28 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nagsisibili, sila'y nangagbibili, sila'y nangagtatanim, sila'y nangagtatayo ng bahay.
29 Datapuwa't nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat:
30 Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.
31 Sa araw na yaon, ang mapapasa bubungan, at nasa bahay ng kaniyang mga pag-aari, ay huwag silang manaog upang kunin: at ang nasa bukid ay gayon din, huwag siyang umuwi.
32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.
33 Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa't ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.
34 Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
35 Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.
36 Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.
37 At pagsagot nila ay sinabi sa kaniya, Saan, Panginoon? At sinabi niya sa kanila, Kung saan naroon ang bangkay ay doon din naman magkakatipon ang mga uwak.
Public Domain