Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 103:1-8

Ang Pag-ibig ng Dios

103 Pupurihin ko ang Panginoon!
    Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
Pupurihin ko ang Panginoon,
    at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
    at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
    at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
    kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
    binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
    at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

Nehemias 13:15-22

15 Nang oras na iyon, may nakita akong mga taga-Juda na pumipisa ng mga ubas sa Araw ng Pamamahinga. Ang iba sa kanila ay nagkakarga ng mga trigo, alak, ubas, igos, at iba pang mga bagay sa mga asno para dalhin sa Jerusalem at ipagbili. Kaya pinagsabihan ko sila na huwag ipagbili ang mga produkto nila sa Araw ng Pamamahinga. 16 Mayroon ding mga taga-Tyre na nakatira sa Jerusalem na nagdala ng mga isda at iba pang mga kalakal. Ipinagbili nila ito sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem sa araw ding iyon ng Araw ng Pamamahinga. 17 Kaya sinaway ko ang mga pinuno ng Juda at sinabihan, “Ano ba itong ginagawa ninyong kasamaan? Hindi ba ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga? 18 Hindi ba ganito rin ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya tayo at ang lungsod na ito ay pinarusahan ng ating Dios? Ngayon, ginalit pa ninyo nang lubos ang Dios dahil sa ginagawa ninyo, dahil hindi ninyo itinuturing na banal ang Araw ng Pamamahinga.”

19 Kaya nag-utos ako na isara ang pintuan ng lungsod tuwing Biyernes[a] habang papalubog ang araw, at huwag itong bubuksan hanggaʼt hindi pa natatapos ang Araw ng Pamamahinga. Pinabantayan ko sa mga tauhan ko ang mga pintuan para walang makapasok na kahit anong tinda sa lungsod sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal ay natutulog sa labas ng Jerusalem kapag Biyernes ng gabi. 21 Pero binalaan ko sila. Sinabi ko, “Bakit dito kayo natutulog sa pader ng lungsod? Kapag inulit nʼyo pa ito, parurusahan ko kayo.” Kaya mula noon, hindi na sila bumalik sa Araw ng Pamamahinga. 22 Pagkatapos, inutusan ko ang mga Levita na maging malinis at magbantay sa mga pintuan upang ituring na banal ng mga tao ang Araw ng Pamamahinga.

At saka ako nanalangin, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ang mga ginawa kong ito, at kaawaan nʼyo ako ayon sa dakila nʼyong pag-ibig.”

Lucas 6:1-5

Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)

Isang Araw ng Pamamahinga, napadaan sina Jesus sa triguhan. Namitas ng trigo ang mga tagasunod niya at niligis[a] ito sa mga kamay nila, at pagkatapos ay kinain ang mga butil. Kaya sinabi ng ilang Pariseo, “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kumuha ng tinapay na inihandog sa Dios at kinain ito. Binigyan din niya ang mga kasamahan niya. Hindi sila nagkasala, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®