Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 127

Papuri sa Kabutihan ng Dios

127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
    Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
    dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.

Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
Mapalad ang taong may maraming anak,
    dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.

Mangangaral 3:16-4:8

16 Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran. 17 Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Dios ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay. 18 Sinusubok ng Dios ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop. 19 Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat! 20 Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik. 21 Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?” 22 Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.

Nakita ko ulit ang mga pang-aapi rito sa mundo. Umiiyak ang mga inaapi, pero walang tumutulong sa kanila dahil makapangyarihan ang mga umaapi sa kanila. Kaya nasabi kong mas mabuti pa ang mga patay kaysa sa mga buhay. Pero higit na mabuti ang mga hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakakita ng kasamaan dito sa mundo.

Nakita ko rin na nagsusumikap ang mga tao at ginagawa ang lahat ng makakaya dahil naiinggit sila sa kanilang kapwa. Wala itong kabuluhan; para silang humahabol sa hangin.

Hangal ang taong tamad, kaya halos mamatay sa gutom. Mas mabuti pang magkaroon ng isang dakot na pagkain pero may kapayapaan, kaysa sa maraming pagkain pero hirap na hirap naman sa pagtatrabaho at nauuwi lang sa wala ang lahat. Para ka lang humahabol sa hangin.

May nakita pa ako sa mundong ito na walang kabuluhan. May isang taong nag-iisa sa buhay. Wala siyang anak at wala ring kapatid. Pero wala siyang tigil sa pagtatrabaho at hindi nakokontento sa kanyang kayamanan. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi na ako nakakapagsaya dahil sa sobrang pagtatrabaho. Pero wala naman akong mapag-iiwanan ng aking mga pinaghirapan.” Wala itong kabuluhan! At napakalungkot ng ganitong klase ng buhay.

Colosas 4:2-6

Ang Ilan pang mga Bilin

Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.

Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®