Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 89:1-18

Ang Kasunduan ng Dios kay David

89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
    Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
    Ito ang ipinangako ko sa kanya:
Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
    ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
    Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
    Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
    makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
    pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
    Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
    Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
    na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
    Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
    At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
    at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
    ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.

Jeremias 33:14-26

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel. 15 Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain. 16 At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”[a]

17 Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel. 18 At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.”

19 At sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras, 21 ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin. 22 Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.”

23 Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias, 24 “Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa. 25 Pero sinasabi ko na hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa, 26 mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”

Lucas 12:41-48

Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(A)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[a] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[b] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®