Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 82

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[a] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

1 Samuel 6:1-16

Ibinalik ang Kahon ng Kasunduan sa Israel

Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Noong naroon pa ang Kahon, ipinatawag ng mga Filisteo ang kanilang mga pari at manghuhula at nagtanong, “Ano ang gagawin namin sa Kahon ng Panginoon. Sabihin ninyo sa amin kung paano namin ito ibabalik sa kanyang lugar?” Sumagot sila, “Kung ibabalik ninyo ang Kahon ng Dios ng Israel, dapat samahan ninyo ito ng handog na pambayad ng kasalanan, sa pamamagitan nito, gagaling kayo at ihihinto na ng Dios ang pagpaparusa sa inyo.”

4-5 Nagtanong ang mga Filisteo, “Ano ang ipapadala namin bilang handog na pambayad ng kasalanan?” Sumagot ang mga pari at manghuhula, “Gumawa kayo ng limang gintong estatwa na hugis tumor at limang gintong estatwa na hugis daga, ayon sa dami ng mga pinuno natin, dahil dumating sa atin at sa mga pinuno natin ang salot ng mga tumor at daga na naminsala sa ating lupain. Ihandog ninyo ito bilang pagpaparangal sa Dios ng Israel, baka sakaling itigil na niya ang pagpaparusa sa atin sa mga dios natin, at sa ating lupain. Huwag na ninyong patigasin ang mga puso ninyo gaya ng ginawa ng mga Egipcio at ng kanilang Faraon. Pinayagan lang nilang makaalis ang mga Israelita nang matindi na ang pagpapahirap sa kanila ng Dios. Kaya ngayon, gumawa kayo ng bagong kariton at kumuha ng dalawang inahing baka na hindi pa napapahila ng kariton. Ikabit ninyo ang kariton sa mga baka pero ihiwalay ninyo ang kanilang mga bisiro at ikulong sa kwadra. Pagkatapos, kunin ninyo ang Kahon ng Panginoon at ilagay sa kariton. Ilagay din ninyo sa tabi nito ang isang Kahon na may lamang mga gintong handog na mga tumor at daga na ipapadala ninyo bilang handog na pambayad ng kasalanan. Palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay at pabayaan silang pumunta kahit saan. Pero tingnan ninyo kung saan sila pupunta. Kung lalakad sila paakyat sa Bet Shemesh, na isa sa mga bayan ng mga Israelita, malalaman natin na ang Panginoon ang nagpadala ng matinding pinsalang ito sa atin. Pero kung hindi ito tutuloy sa Bet Shemesh, malalaman natin na hindi ang Panginoon ang nagpaparusa sa atin. Kundi nagkataon lang ito.”

10 Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kwadra ang mga bisiro nito. 11 Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis tumor at daga. 12 Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet Shemesh na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet Shemesh.

13 Nang mga panahong iyon, nag-aani ang mga taga-Bet Shemesh ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila. 14-15 Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet Shemesh, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog. 16 Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.

Mateo 24:15-27

Ang Kasuklam-suklam na Darating(A)

15 “Nagsalita si Propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng templo,[a] 16 ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 17 Ang nasa labas ng bahay[b] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit. 18 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 19 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 20 Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 22 Kung hindi paiikliin[c] ng Dios ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.

23 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 25 Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.

26 “Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’[d] huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®