Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2 maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5 Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6 mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7 Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8 Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9 na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
Iba't ibang Aral at Paalala
23 Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno,
pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo;
2 at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim,
kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain.
3 Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain,
sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon.
4 Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
5 Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.
6 Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin,
ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain.
7 Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
“Kumain at uminom ka!” sabi niya sa iyo;
ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
8 Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa,
at iyong sasayangin ang matatamis mong salita.
9 Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10 Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11 sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.
Papuri sa Diyos
33 O(A) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!
34 “Sapagkat(B) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(C) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
at siya'y mababayaran?”
36 Sapagkat(D) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001