Revised Common Lectionary (Complementary)
10 “Kayo'y magalak na kasama ng Jerusalem, at matuwa dahil sa kanya,
kayong lahat na umiibig sa kanya;
magalak kayong kasama niya sa katuwaan,
kayong lahat na tumatangis dahil sa kanya;
11 upang kayo'y makasuso at mabusog
mula sa kanyang nakaaaliw na mga suso;
upang kayo'y ganap na makasipsip na may kasiyahan
mula sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian.”
12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbibigay ng kapayapaan sa kanya na parang isang ilog,
at ng kaluwalhatian ng mga bansa ay parang umaapaw na batis;
at inyong sususuhin; kayo'y kakalungin sa kanyang balakang,
at lilibangin sa kanyang mga tuhod.
13 Gaya ng inaaliw ng kanyang ina,
gayon ko aaliwin kayo;
kayo'y aaliwin sa Jerusalem.
14 Inyong makikita, at magagalak ang inyong puso;
ang inyong mga buto ay giginhawang gaya ng sariwang damo;
at malalaman na ang kamay ng Panginoon ay nasa kanyang mga lingkod,
at ang kanyang galit ay laban sa kanyang mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
Magtulungan sa Isa't isa
6 Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.
2 Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.
3 Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.
4 Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.
5 Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.
6 Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.
7 Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.
8 Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.
9 At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.
10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.
Babala at Basbas
11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!
12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.
13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.
14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.
15 Sapagkat[a] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.
16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.
Isinugo ni Jesus ang Pitumpu
10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu,[a] at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan.
2 At(A) sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.
3 Humayo(B) kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.
4 Huwag(C) kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
5 Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’
6 At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo.
7 At(D) manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.
8 At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo.
9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
10 Subalit(E) sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin,
11 ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
16 “Ang(A) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu
17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”
18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.
19 Tingnan ninyo,(B) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.
20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001