Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
Ginawa si Jose na Tagapamahala ng Ehipto
37 Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod.
38 Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?”
39 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo.
40 Ikaw(A) ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”
41 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”
42 Inalis(B) ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg.
43 Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, “Lumuhod kayo!” Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto.
44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto.”
Ang Pag-aasawa ni Jose
45 Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto.
46 Si Jose ay tatlumpung taong gulang na nang magsimulang maglingkod sa Faraon na hari ng Ehipto. Si Jose ay umalis sa harapan ng Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Ehipto.
47 Ang lupa ay nagbunga ng sagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan,
48 at tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon na may kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at inimbak ang pagkain sa mga bayan. Ang pagkain sa mga bukid na nasa palibot ng bawat bayan ay inimbak sa bawat bayan.
49 Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang.
9 “Ang(A) mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya.
10 Siya'y(B) iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya.
11 Dumating(C) noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno.
12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno.
13 At(D) sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose.
14 Pagkatapos(E) ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao.
15 Kaya't(F) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno.
16 Sila'y(G) ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001