Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
Si Haring Manases ng Juda(A)
21 Si Manases ay labindalawang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hefziba.
2 Siya'y(B) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
3 Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na winasak ni Hezekias na kanyang ama; siya'y nagtayo ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng sagradong poste,[a] gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at sinamba ang lahat ng hukbo sa langit, at naglingkod sa kanila.
4 Siya'y(C) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.”
5 At siya'y nagtayo ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 At kanyang pinaraan sa apoy ang kanyang anak na lalaki. Siya'y gumamit ng panghuhula at salamangka, at sumangguni sa masamang espiritu, at sa mga mangkukulam. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, na kanyang ikinagalit.
7 Ang(D) larawang inanyuan ni Ashera na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat ng lipi ng Israel, ay ilalagay ko ang aking pangalan magpakailanman;
8 hindi ko na papagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung kanila lamang maingat na tutuparin ang ayon sa lahat ng iniutos ko sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.”
9 Ngunit hindi sila nakinig; at inakit sila ni Manases na gumawa ng higit pang masama kaysa ginawa ng mga bansang pinuksa ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabi,
11 “Sapagkat ginawa ni Manases na hari ng Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng ginawa ng mga Amoreo, na nauna sa kanya, at ibinunsod niya ang Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga diyus-diyosan;
12 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, Aking dadalhin sa Jerusalem at Juda ang ganoong kasamaan na anupa't ang tainga ng bawat makakarinig nito ay mangingilabot.
13 Aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang panghulog ng bahay ni Ahab. Aking pupunasan ang Jerusalem gaya ng pagpupunas ng isang tao sa isang pinggan, na pinupunasan iyon at itinataob.
14 Aking iiwan ang nalabi sa aking pamana, at ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang mga kaaway,
15 sapagkat gumawa sila ng kasamaan sa aking paningin at ginalit nila ako, mula nang araw na ang kanilang mga ninuno ay magsilabas sa Ehipto, hanggang sa araw na ito.”
Ang Pagnanais ng Mabuti
14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15 Sapagkat(A) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.
16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.
17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.
19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.
20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.
22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.
23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.
24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?
25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001