Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”
18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.
21 “Hindi ko sinugo ang mga propeta,
gayunma'y nagsitakbo sila;
ako'y hindi nagsalita sa kanila,
gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya.
22 Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian,
kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan,
at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad,
at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Ngayon,(B) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.
17 Mag-ingat(C) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,
18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;
20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipagkakanulo(D) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.
22 At(E) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.
23 Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.’
24 “Hindi(F) nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon.
25 Sapat(G) na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001