Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 9:11-15

Ang Dugo ni Cristo

11 Ngunit si Cristo ay naging pinakapunong-saserdote ng magandang mga bagay na darating. Siya ay pumasok sa higit na mahalaga at lalong ganap na tabernakulo na hindi ginawa ng mga kamay ng mga tao at hindi ito bahagi ng nilikhang ito.

12 Pumasok siya, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing o guya kundi sa pamamagitan ng sarili niyang dugo. At nang maganap na niya ang walang hanggang katubusan, pumasok siya sa kabanal-banalang dako nang minsan lamang at magpakailanman. 13 Ang dugo ng mga toro at ng kambing at ang abo ng dumalagang baka, na iwiniwisik doon sa mga marurumi, ay nagpapabanal sa ikalilinis ng laman. 14 Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.

15 Dahil dito, siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan upang matubos niya sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ang mga lumabag sa unang tipan. Ngayon, ang mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang mana na ipinangako niya.

Juan 12:1-11

Pinahiran ni Maria ng Langis si Jesus sa Betania

12 Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay.

Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. Si Maria ay kumuha ng isang librang purong nardo. Ito ay mamahaling pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid.

Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: Bakit hindi ipinagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha? Ito ay sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ngsalapi at kinukupit niya ang inilalagay rito.

Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi ninyo makakasamang lagi.

Maraming mga Judio ang nakakaalam na siya ay naroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 10 Nagsanggunian ang mga pinunong-saserdote upang patayin din si Lazaro. 11 Ito ay sapagkat maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International