Revised Common Lectionary (Complementary)
4 Bagaman ako ay maaari ding magtiwala sa gawa ng tao.
Kung sinuman ay mag-aakala na siya ay may dahilan upang magtiwala sa gawa ng tao, lalo na ako.
5 Tinuli ako sa ika-walong araw. Ako ay nanggaling sa lahi ng Israel,mula sa lipi ni Benjamin. Ako ay isang Hebreong nagmula sa mga Hebreo. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kautusan, ako ay isang Fariseo. 6 Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kasigasigan, pinag-uusig ko ang iglesiya. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa pagiging matuwid na ayon sa kautusan, walang maipupula sa akin.
7 Subalit anumang mga bagay na kapakinabangan sa akin, ang mga iyon ay itinuturing kong kalugihan alang-alang kay Cristo. 8 Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay para sa napakadakilang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, tinanggap ko ang pagkalugi sa lahat ng bagay at itinuring kong dumi ang lahat ng mga ito, makamtan ko lamang si Cristo. 9 Sa ganoon, ako ay masumpungan sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran na ayon sa kautusan kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ito ay upang makilala ko siya at angkapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang pakikipag-isa sa kaniyang mga paghihirap, upang matulad ako sa kaniya, sa kaniyang kamatayan. 11 At sa anumang paraan ay makarating ako sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Pagpapatuloy Patungo sa Nilalayon
12 Hindi sa natamo ko na, o ako ay naging ganap na. Inangkin ako ni Cristo Jesus para sa isang layunin at nagsusumikap ako upang aking maangkin ang layuning iyon.
13 Mga kapatid, hindi ko ibinibilang na naangkin ko na ngunit isang bagay ang ginagawa ko. Nililimot ko na ang mga bagay na nasa likuran ko at pinagsisikapang maabot ang mga bagay na nasa harap ko. 14 Pinagsisikapan kong maabot ang hangganan ng takbuhin para sa gantimpala ng mataas na pagkatawag sa akin ng Diyos na na kay Cristo Jesus.
Pinahiran ni Maria ng Langis si Jesus sa Betania
12 Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay.
2 Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. 3 Si Maria ay kumuha ng isang librang purong nardo. Ito ay mamahaling pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid.
4 Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: 5 Bakit hindi ipinagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha? 6 Ito ay sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ngsalapi at kinukupit niya ang inilalagay rito.
7 Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. 8 Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi ninyo makakasamang lagi.
Copyright © 1998 by Bibles International