Revised Common Lectionary (Complementary)
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Ang Bagong Kahilingan ni Esther
3 At si Esther ay muling nagsalita sa harapan ng hari, at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at nagsumamo sa kanya na may mga luha na hadlangan ang masamang panukala ni Haman na Agageo, at ang pakana na kanyang binalak laban sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro.
5 Sa gayo'y tumindig si Esther at tumayo sa harapan ng hari. At sinabi niya, “Kung ikalulugod ng hari, at kung ako'y nakatagpo ng lingap sa kanyang paningin, at kung ang bagay ay inaakalang matuwid sa harapan ng hari, at ako'y nakakalugod sa kanyang mga mata, nawa'y isulat ang isang utos upang pawalang-bisa ang mga sulat na binalak ni Haman na anak ni Amedata, na Agageo, na kanyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nasa lahat ng lalawigan ng hari.
6 Sapagkat paano ko matitiis na makita ang kapahamakang darating sa aking mga kababayan? O paano ko matitiis na makita ang pagpatay sa aking mga kamag-anak?”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kina Reyna Esther at Mordecai na Judio, “Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at kanilang binigti siya sa bitayan, sapagkat kanyang binalak na patayin ang mga Judio.
8 Maaari kang sumulat ng ayon sa nais mo tungkol sa mga Judio, sa pangalan ng hari, at tatakan ito ng singsing ng hari; sapagkat ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at natatakan ng singsing ng hari ay hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Ang mga kalihim ng hari ay ipinatawag nang panahong iyon, sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan. Iisang utos ang isinulat ayon sa lahat na iniutos ni Mordecai tungkol sa mga Judio, sa mga gobernador, at sa mga tagapamahala at mga pinuno ng mga lalawigan mula sa India hanggang sa Etiopia, na isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Ito ay para sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa pagsulat at wika nila.
10 Ang pagkasulat ay sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugong mangangabayo na nakasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, na inalagaan mula sa kulungan ng hari.
11 Sa pamamagitan ng mga ito, pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipun-tipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang puksain, patayin, at lipulin ang anumang sandatahang lakas ng alinmang bayan at lalawigan na sasalakay sa kanila, kasama ang kanilang mga bata at mga babae, at samsamin ang kanilang ari-arian.
12 Ito ay sa isang araw sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang sipi ng kasulatan ang ilalabas bilang utos sa bawat lalawigan, at ipahahayag sa lahat ng mga bayan, at ang mga Judio ay maghanda sa araw na iyon na maghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na sumasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagmamadaling sumakay dahil sa utos ng hari; at ang utos ay pinalabas sa kastilyo ng Susa.
15 At si Mordecai ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakadamit-hari na asul at puti, at may malaking koronang ginto, at may balabal na pinong lino at kulay ube, samantalang ang bayan ng Susa ay sumigaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaginhawahan, kasayahan, kagalakan, at karangalan.
17 At sa bawat lalawigan at bayan, saanman dumating ang utos ng hari, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan, kagalakan, at kapistahan. At maraming mula sa mga tao ng lupain ay tinawag ang kanilang sarili na mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay dumating sa kanila.
Ang Pagsasaya sa Langit
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
2 Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]
3 At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,
“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”
4 At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,
“Amen. Aleluia!”
Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero
5 At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
mga hamak at dakila.”
6 Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
8 At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
ng pinong lino, makintab at malinis;”
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At(E) sinabi ng anghel[f] sa akin, “Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ang mga tunay na salita ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001