Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
2 Mapahiya at malito nawa sila
na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
silang nagnanais na ako'y masaktan!
3 Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
silang nagsasabi, “Aha, Aha!”
4 Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
5 Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
O Panginoon, huwag kang magtagal!
3 Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng Panginoon laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto:
2 “Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa;
kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan.
Ang Gawain ng Propeta
3 “Makakalakad ba ang dalawa na magkasama,
malibang sila'y mayroong ginawang tipanan?
4 Uungal ba ang leon sa gubat,
kapag wala siyang huli?
Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5 Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa,
kapag walang silo para dito?
Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa,
kapag wala itong nahuling anuman?
6 Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod,
at ang taong-bayan ay hindi matatakot?
Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod,
malibang ginawa ito ng Panginoon?
7 Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin,
malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim
sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
8 Ang leon ay umungal, sinong di matatakot?
Ang Panginoong Diyos ay nagsalita;
sinong hindi magsasalita ng propesiya?”
Ang Hatol sa Samaria
9 Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod,
at sa mga muog sa lupain ng Ehipto,
at inyong sabihin, “Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya,
at ang pagpapahirap na nasa gitna niya.”
10 “Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid,” sabi ng Panginoon,
“sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog.”
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Palilibutan ng isang kaaway ang lupain
at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan,
at ang iyong mga muog ay sasamsaman.”
12 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama.”
13 At(A) hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Diyos,
14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.”
15 Kaya't kinalagan ang apat na anghel, na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao.
16 Ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sampung libong tigsasampung libo; aking narinig ang bilang nila.
17 At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain: ang mga nakasakay ay may mga baluting gaya ng apoy, ng jacinto at ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy, usok at asupre.
18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay pinatay ang ikatlong bahagi ng mga tao sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre na lumalabas sa kanilang mga bibig.
19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig at nasa kanilang mga buntot; ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas, na may mga ulo; at sa pamamagitan ng mga ito'y nakakapaminsala sila.
20 At(B) ang natira sa mga tao na hindi napatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay ni inihinto ang pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakalakad man.
21 At sila'y hindi nagsisi sa kanilang mga pagpatay, o sa kanilang pangkukulam, o sa kanilang pakikiapid, o sa kanilang pagnanakaw.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001