Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 7

Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.

O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
    iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
    na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.

O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
    kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
    o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
    at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
    at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)

Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
    itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
    at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
    at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
    hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
    at ayon sa taglay kong katapatan.

O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
    ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
    ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
    na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
    at isang Diyos na araw-araw ay may galit.

12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
    kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
    kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
    at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
    at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
    at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
    at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.

Esther 2:1-18

Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapawi ang galit ni Haring Ahasuerus, kanyang naalala si Vasti at ang kanyang ginawa, at kung ano ang iniutos laban sa kanya.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Magpahanap kayo ng magagandang kabataang birhen para sa hari.

Magtalaga ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang kanilang tipunin ang lahat ng magagandang kabataang birhen sa kabisera ng Susa sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na eunuko ng hari, na tagapag-ingat ng mga babae. At ibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan sa pagpapaganda.

Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti.” Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya.

Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita;

na(A) dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias[a] na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.

Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak.

Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae.

Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae.

10 Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam.

11 Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya.

12 Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae.

13 Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari.

14 Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan.

15 Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya.

Si Esther ay Napiling Maging Reyna

16 Nang si Esther ay dalhin kay Haring Ahasuerus sa kanyang palasyo nang ikasampung buwan na siyang buwan ng Tebet, nang ikapitong taon ng kanyang paghahari,

17 minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya'y nakatagpo ng biyaya at paglingap nang higit kaysa lahat ng mga birhen. Kaya't kanyang inilagay ang korona ng kaharian sa kanyang ulo at ginawa siyang reyna na kapalit ni Vasti.

18 Nang magkagayo'y gumawa ng malaking kapistahan ang hari para sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga lingkod, iyon ay handaan ni Esther. Nagkaloob din ang hari ng pagbabawas ng buwis sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob ayon sa kasaganaan ng hari.

2 Timoteo 2:8-13

Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay mula sa mga patay, mula sa binhi ni David, ayon sa aking ebanghelyo,

na dahil sa kanya ay nagtitiis ako ng kahirapan, maging hanggang sa pagkakaroon ng tanikala na tulad sa isang masamang tao. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nagagapos.

10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan din nila ang kaligtasan kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.

11 Tapat ang salita:

Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung(A) tayo'y magtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
kung ating ikakaila siya, ay ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo'y hindi tapat, siya'y nananatiling tapat;
sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001