Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
2 sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.
3 Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
4 Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
5 Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
6 Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)
Ang Mabiyayang Paghahari ng Panginoon
17 Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kanyang kagandahan;
matatanaw nila ang lupaing nasa malayong lugar.
18 Gugunitain ng iyong isipan ang kakilabutan:
“Nasaan siya na eskriba,
nasaan siya na tumitimbang?
Nasaan siya na bumibilang ng mga muog?”
19 Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan,
ang bayan na may malabong pananalita na hindi mo maunawaan,
nauutal sa wika na hindi mo maiintindihan.
20 Narito ang Zion, ang lunsod ng ating mga takdang kapistahan!
Makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem,
isang tahimik na tahanan, isang tolda na hindi makikilos,
na ang mga tulos ay hindi mabubunot kailanman,
o mapapatid man ang alinman sa mga tali niyon.
21 Kundi doon ang kamahalan ng Panginoon, ay maglalagay para sa atin,
isang dako ng maluluwang na ilog at batis;
na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod,
o daraanan man ng malalaking sasakyang-dagat.
22 Sapagkat ang Panginoon ang ating hukom, ang Panginoon ang ating tagapagbigay ng kautusan,
ang Panginoon ay ating hari; tayo'y kanyang ililigtas.
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.
9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”
10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.
11 Ang(A) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”
12 “Ako'y(B) malapit nang dumating[a] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.
13 Ako(C) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”
14 Mapapalad(D) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.
15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.
16 “Akong(E) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
17 Ang(F) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.
Mga Babala at Basbas
18 Aking(G) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,
19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[b] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!
21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001