Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 50

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Zacarias 7

Sinumbatan ng Panginoon ang Pakunwaring Pag-aayuno

Nang ikaapat na taon ni Haring Dario, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias, nang ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng Chislev.

Noon ay sinugo ng mga taga-Bethel sina Sharezer at Regemelec at ang kanilang mga kalalakihan, upang hilingin ang lingap ng Panginoon,

upang magsalita sa mga pari ng bahay ng Panginoon ng mga hukbo at ang mga propeta, na sinasabi, “Iiyak ba ako at mag-aayuno sa ikalimang buwan, gaya ng aking ginawa nitong maraming taon?”

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon ng mga hukbo sa akin, na sinasabi,

“Sabihin mo sa lahat ng tao ng lupain at sa mga pari: Nang kayo'y mag-ayuno at tumangis nang ikalima at ikapitong buwan, nitong pitumpung taon, kayo ba'y nag-ayuno para sa akin?

Kapag kayo'y kumakain at umiinom, di ba kayo'y kumakain para sa inyong sarili at umiinom para sa inyong sarili?

Hindi ba ito ang mga salitang ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng mga unang propeta nang ang Jerusalem ay tinitirhan at nasa kaginhawahan, kasama ang mga bayang nasa palibot nito, at maging noong ang Negeb at Shefela ay tinitirahan?”

Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zacarias na nagsasabi,

“Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Magbigay kayo ng tunay na hatol, magpakita ng kaawaan at kahabagan ang bawat isa sa kanyang kapatid.

10 Huwag ninyong apihin ang balo, ni ang ulila man, ang dayuhan, ni ang dukha man; at sinuman sa inyo ay huwag mag-isip ng kasamaan sa inyong puso laban sa kanyang kapatid.”

11 Ngunit sila'y tumangging makinig, itinigas ang balikat, at tinakpan ang kanilang tainga upang huwag silang makarinig.

12 Pinatigas nila ang kanilang puso upang huwag nilang marinig ang kautusan at ang mga salita na ipinasugo ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kanyang espiritu sa mga unang propeta. Kaya't dumating ang malaking poot mula sa Panginoon ng mga hukbo.

13 “At nangyari, na kung paanong siya'y tumawag at hindi sila nakinig, kaya't nang sila'y tumawag, hindi ako nakinig,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

14 “at ikinalat ko sila sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala. Kaya't ang lupain na kanilang iniwan ay napabayaan, kaya't walang tao na nagpaparoo't parito, at ang magandang lupain ay napabayaan.”

Judas 5-21

Kaparusahan sa mga Bulaang Guro

Ngayon(A) ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.

At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.

Gayundin(B) ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.

Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.

Subalit(C) si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”

10 Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.

11 Kahabag-habag(D) sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.

12 Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago[a] sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;

13 nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.

14 At(E) sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,

15 upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”

16 Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.

Mga Babala at mga Paalala

17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,

18 sapagkat(F) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”

19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.

20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;

21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001