Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway,
at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—
kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol,
at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon;
sapagkat iyon ay masamang panahon.
14 Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama,
upang kayo'y mabuhay;
at sa gayo'y ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo,
gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama,
at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan.
Marahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon:
“Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan,
at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’
Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati,
at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy;
sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
18 Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon!
Sa anong layunin ang araw ng Panginoon sa inyo?
Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan,
19 gaya ng isang tao na tumakas sa leon,
at sinalubong siya ng oso,
o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,
at isang ahas ang tumuka sa kanya.
20 Hindi ba kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan,
at kadiliman na walang ningning doon?
21 “Aking(A) kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan,
at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon.
22 Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil,
hindi ko iyon tatanggapin;
ni akin mang pagmamasdan
ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop.
23 Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit;
hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.
24 Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig,
at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.
Ang Talinghaga ng Sampung Mina[a](A)
11 Samantalang(B) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.
12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.
13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’
14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’
15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’
17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’
18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’
19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;
21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’
22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’
24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’
25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’
26 ‘Sinasabi(C) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001