Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
Katungkulan para sa Namatay na Kapatid
5 “Kung(A) ang magkapatid ay naninirahang magkasama, at isa sa kanila'y namatay at walang anak, ang asawang babae ng namatay ay huwag mag-aasawa ng isang dayuhan o sa labas ng pamilya. Ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay sisiping sa kanya, kukunin siya bilang asawa, at tutuparin sa kanya ang tungkulin ng kapatid na namatay.
6 Ang panganay na kanyang ipapanganak ay papalit sa pangalan ng kanyang kapatid na namatay upang ang kanyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.
7 At(B) kung ayaw kunin ng lalaki ang asawa ng kanyang kapatid, ang asawa ng kanyang kapatid ay pupunta sa pintuang-bayan sa matatanda, at sasabihin, ‘Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kanyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng kapatid na namatay.’
8 Kung magkagayo'y tatawagin siya ng matatanda sa kanyang bayan at makikipag-usap sa kanya; at kung siya'y magpumilit at sabihin, ‘Ayaw kong kunin siya;’
9 ang asawa ng kanyang kapatid ay lalapit sa kanya sa harapan ng matatanda at huhubarin ang sandalyas sa kanyang mga paa, at luluraan siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking ayaw magtindig ng sambahayan ng kanyang kapatid.’
10 At ang kanyang pangala'y tatawagin sa Israel, ‘Ang bahay ng hinubaran ng sandalyas.’
22 Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”
23 At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin,
24 ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya.
25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, “Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?”
26 Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, “Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano.”
27 Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Oo.”
28 Sumagot ang pinunong kapitan, “Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.”
29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.
23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”
2 Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.
3 Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”
4 Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”
5 At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”
7 Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.
8 (Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)
9 Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”
10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.
11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001