Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pangitain tungkol sa Nabubuhay Magpakailanpaman
9 Habang(A) ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. 10 Parang(B) bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
13 Patuloy(A) ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. 14 Binigyan(B) siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.
Ang Diyos ang Hari
93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
2 Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.
3 Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
4 Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.
5 Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Pagbati sa Pitong Iglesya
4 Mula(A) kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating, mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, 5 at(B) mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga binuhay mula sa kamatayan, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.
Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya[a] niya tayo sa ating mga kasalanan. 6 Ginawa(C) niya tayong isang kaharian ng mga pari upang maglingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
7 Tingnan(D) ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen.
8 “Ako(E) ang Alpha at ang Omega,”[b] sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang kasalukuyan, nakaraan, at darating.
33 Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya.
34 Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”
35 Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!”
37 “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.
Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.