Revised Common Lectionary (Complementary)
Pahayag tungkol sa Huling Panahon
12 “Sa(A) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. 2 Muling(B) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. 3 Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Miktam[a] ni David.
16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.
2 Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”
3 Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.
4 Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.
5 Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
6 Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
napakaganda ng iyong pamana!
7 Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
8 Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.
9 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
11 Bawat(A) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(B) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis
ng Diyos.
15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
16 “Ganito(A) ang gagawin kong tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
17 Pagkatapos(B) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” 18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!”
2 Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?”
5 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. 6 Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. 7 Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.