Revised Common Lectionary (Complementary)
Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat
94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
2 Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
3 Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
4 Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
5 Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
6 Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
7 Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
9 Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
katulad lang ng hininga, madaling malagot.
12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
7 Ganito(A) ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. 8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[a] 9 Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. 10 Kasama(B) sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.”
11 At(C) sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. 12 Matulad(D) nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.”
13 Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! 15 Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” 16 Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. 17 Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David.
Ang Angkan ni David
18-22 Ito ang pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Fares hanggang kay David: Fares, Hezron, Ram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz, Obed, Jesse, at David.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
16 Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, 17 at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito:
18 “Ang(B) Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya,
at sa mga bulag na sila'y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at upang ipahayag ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon.”
20 Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, 21 at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.”
22 Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila.
23 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ 24 Tandaan(C) ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. 25 Ngunit(D) sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. 26 Subalit(E) hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. 27 Sa(F) dinami-dami ng mga may ketong[a] sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.”
28 Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. 29 Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. 30 Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.