Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
Ang Taon ng Pamamahinga(A)
15 “Ang bawat ikapitong taon ay gagawin ninyong taon ng pagpapatawad sa mga may utang sa inyo. 2 Ganito ang inyong gagawin: huwag na ninyong sisingilin ang kababayan ninyong may utang sa inyo, sapagkat ito'y taon ng pagpapatawad na itinakda ni Yahweh. 3 Ang mga dayuhan lamang ang sisingilin ninyo, at hindi ang inyong mga kababayan.
4 “Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo 5 kung makikinig kayo sa kanyang tinig at susunod sa kanyang mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon. 6 Nangako si Yahweh na kayo'y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan.
7 “Pagdating(B) ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan. 8 Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan. 9 Huwag ninyong pagdadamutan ang inyong kababayan kapag nangungutang siya sa panahong malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapatawad. Kapag sila'y tinanggihan ninyo at dumaing sila kay Yahweh, mananagot kayo sa kanya. 10 Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin. 11 Kailanma'y(C) hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.
15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos(A) ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing][a] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan(B) din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon(C) sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo
23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.