Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 13

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
    Gaano katagal kang magtatago sa akin?
Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
    at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
    Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?

Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
    huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
    at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.

Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
    magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
O Yahweh, ika'y aking aawitan,
    dahil sa iyong masaganang kabutihan.

Daniel 8:1-14

Ang Pangitain tungkol sa Barakong Tupa at Kambing

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain.[a] Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya.

Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa.

Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. 10 Umabot(A) ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. 11 Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. 12 Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. 13 May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?”

14 “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa.

Mga Hebreo 10:26-31

26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(A) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(B) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(C) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(D) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.