Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
3 Ang kalasag ng kanyang mga mandirigma ay pula,
ang kanyang mga kawal ay nakadamit ng matingkad na pula.
Ang mga bakal ng karwahe ay kumikislap
nang kanyang inihahanda sa pakikipaglaban;
ang mga sibat na abeto ay iwinasiwas.
4 Ang mga karwahe ay humahagibis sa mga lansangan,
sila'y paroo't-parito sa mga liwasan;
ang mga anyo ng mga ito ay gaya ng mga sulo;
ang mga ito'y humahagibis na parang kidlat.
5 Naaalala niya ang kanyang mga pinuno,
sila'y natitisod sa kanilang paglakad;
sila'y nagmamadali sa pader,
ang panakip ay inihanda.
6 Ang mga pintuan ng mga ilog ay bukas,
at ang palasyo ay nalansag.
7 At ito'y nakatakda na, siya'y hinubaran at dinala;
at ang kanyang mga alilang babae
ay nananaghoy na parang huni ng mga kalapati,
at dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
8 Ang Ninive ay gaya ng lawa ng tubig sa lahat ng mga araw niya, gayon may nagsisitakas,
“Tigil! Tigil!”—ngunit walang lumilingon.
9 Samsamin ninyo ang pilak,
samsamin ninyo ang ginto!
Walang katapusan ang kayamanan,
o kayamanan ng bawat mahalagang bagay.
10 Siya'y walang laman, pinabayaan at wasak!
Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig,
ang lahat ng mga balakang ay nanginginig,
ang lahat ng mga mukha ay namumutla!
11 Nasaan ang yungib ng mga leon,
ang pastulan ng mga batang leon,
na pinagdadalhan ng leon ng kanyang biktima,
na kinaroroonan ng kanyang mga anak, na doo'y walang umaabala sa kanila?
12 Ang leon ay lumalapa nang sapat para sa kanyang mga anak,
at lumalapa ng biktima para sa kanyang mga babaing leon;
pinupuno niya ang kanyang yungib ng biktima
at ang kanyang mga yungib ng nilapang laman.
13 Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking susunugin ang iyong mga karwahe sa usok, at lalamunin ng tabak ang iyong mga batang leon. Kukunin ko ang iyong biktima mula sa lupa, at ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig pa.
5 Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nalalaman na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? malibang kayo'y nabigo sa pagsubok.
6 Ngunit ako'y umaasa na kami ay inyong matatagpuang hindi nabigo.
7 Subalit nananalangin kami sa Diyos na kayo'y huwag gumawa ng anumang masama; hindi upang kami'y magmukhang nakapasa sa pagsubok, kundi upang inyong magawa kung ano ang mabuti, bagaman kami ay nagmistulang mga nabigo.
8 Sapagkat kami'y walang magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan.
9 Sapagkat kami'y natutuwa kung kami'y mahihina at kayo'y malalakas. At ito naman ang idinadalangin namin na kayo ay maging sakdal.
10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala pa sa inyo, upang kapag ako ay dumating ay hindi na ako kailangang maging mabagsik sa aking paggamit ng kapamahalaang ibinigay sa akin ng Panginoon para sa ikatatatag, at hindi sa ikawawasak.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001