Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30 sa(A) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31 Doon(B) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33 Pagkatapos(C) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.
50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.
2 Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.
3 Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.
4 Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:
5 Pinanumpa(D) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”
6 Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”
7 Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[a] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;
8 ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.
9 Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.
10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.
11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[b] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.
12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Dinala(E) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.
14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.
Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid
13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.
14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.
15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.
16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.
17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.
18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.
19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.
20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.
21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.
22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.
23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[a] ay kasalanan.
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.
2 Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001