Revised Common Lectionary (Complementary)
HE.
33 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang daan ng iyong mga batas,
at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas.
34 Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo,
at akin itong susundin ng buong puso ko.
35 Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo,
sapagkat aking kinaluluguran ito.
36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo,
at huwag sa pakinabang.
37 Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan;
at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan.
38 Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo,
na para sa mga natatakot sa iyo.
39 Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan;
sapagkat ang mga batas mo'y mainam.
40 Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan,
bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran.
Ang Kamatayan ng Asawa ni Ezekiel
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na sinasabi,
16 “Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.
17 Magbuntong-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.”
18 Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin.
19 At sinabi ng taong-bayan sa akin, “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?”
20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
21 ‘Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak.
22 Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao.
23 Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa.
24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.’
25 “At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae,
26 na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita.
27 Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
15 At(A) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”
16 Subalit(B) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”
17 Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.[a]
18 Ngunit(C) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat
“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”
19 Ngunit(D) sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,
“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”
20 At(E) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,
“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”
21 Subalit(F) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001