Revised Common Lectionary (Complementary)
TETH.
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.
2 “Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan,
3 at(A) umalis at naglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila, o sa araw, sa buwan, o sa anumang bagay na nasa langit na ipinagbabawal ko,
4 at ito ay masabi sa iyo, at iyong mabalitaan, ay iyo ngang sisiyasating mabuti. Kung totoo na ang gayong karumaldumal na bagay ay nagawa sa Israel,
5 ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay.
6 Sa(B) bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.
7 Ang(C) kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kanya at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 “Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos.
9 Ikaw ay pupunta sa mga paring Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na iyon at iyong sisiyasatin; at kanilang ipapaalam sa iyo ang hatol.
10 Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng Panginoon; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo.
11 Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.
12 Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.
13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa nang may kapangahasan.
Tungkulin sa mga may Kapangyarihan
13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.
2 Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:
4 sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.
5 Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.
6 Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.
7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001