Revised Common Lectionary (Complementary)
15 O Panginoon, nalalaman mo;
alalahanin mo ako, at dalawin mo ako,
at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin.
Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin,
alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya.
16 Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain;
at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan
at kagalakan ng aking puso,
sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O Panginoon, Diyos ng mga hukbo.
17 Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya,
ni nagalak man ako;
ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin,
sapagkat pinuno mo ako ng galit.
18 Bakit hindi tumitigil ang aking kirot,
at ang aking sugat ay walang lunas,
at ayaw mapagaling?
Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin,
parang tubig na nauubos?
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli,
at ikaw ay tatayo sa harapan ko.
Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan,
ikaw ay magiging parang aking bibig.
Sila'y manunumbalik sa iyo,
ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila.
20 At gagawin kita para sa bayang ito
na pinatibay na pader na tanso;
lalaban sila sa iyo,
ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo;
sapagkat ako'y kasama mo
upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng Panginoon.
21 At ililigtas kita mula sa kamay ng masama,
at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa.”
Awit ni David.
26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
2 Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
4 Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
5 Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.
6 Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
7 na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.
8 O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.
10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,
11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.
12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.
13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.
14 Pagpalain(A) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.
16 Magkaisa(B) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.
17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.
18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.
19 Mga(C) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”
20 Kaya't(D) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(A)
21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
24 Pagkatapos(B) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat(C) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[a] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
27 Sapagkat(D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001