Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 19:9-18

Ang Tinig ng Panginoon

Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

10 Sinabi(A) niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”

11 Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:

12 Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.

13 Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

14 At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.”

15 Sinabi(B) ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

16 Si(C) Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo.

17 Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.

18 Gayunma'y(D) mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya.”

Mga Awit 85:8-13

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Roma 10:5-15

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Sapagkat(A) sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”

Ngunit(B) sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)

“O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)

Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.

Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.

10 Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.

11 Sapagkat(C) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”

12 Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.

13 Sapagkat,(D) “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”

14 Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?

15 At(E) paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”

Mateo 14:22-33

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)

22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.

23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.

24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[a] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.

25 Nang madaling-araw na[b] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.

27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”

28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[c] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.

33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001