Revised Common Lectionary (Complementary)
Maskil ni Asaf.
78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
3 mga bagay na aming narinig at nalaman,
na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
4 Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.
5 Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
6 upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
7 upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
kundi ingatan ang kanyang mga utos;
8 upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.
17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(A) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
“Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”
21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(B) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
2 Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.
3 Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”
4 Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.
5 Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”
6 At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,
7 at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”
8 Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”
10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
12 “Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”
Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob
13 Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.
14 Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
15 Nang(B) makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.
31 Iyon(A) ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.
32 Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”
33 Sinabi(B) ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”
34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan[a] upang ingatan.
35 Ang(C) mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001