Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
14 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong mga mangungutya,
na namumuno sa bayang ito sa Jerusalem!
15 Sapagkat inyong sinabi, “Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan,
at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaan,
ito'y hindi darating sa atin;
sapagkat ating ginawang kanlungan ang mga kabulaanan,
at sa ilalim ng kasinungalingan ay nagkubli tayo.”
16 Kaya't(A) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,
“Aking inilalagay sa Zion bilang pundasyon ang isang bato,
isang batong subok,
isang mahalagang batong panulok, na isang tiyak na pundasyon:
‘Siyang naniniwala ay hindi magmamadali.’
17 At aking ilalagay na pising panukat ang katarungan,
at ang katuwiran bilang pabigat;
at papalisin ng yelo ang kanlungan ng mga kabulaanan,
at aapawan ng tubig ang kanlungan.”
18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan,
at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi;
kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaraan,
kayo nga'y ibabagsak niyon.
19 Sa tuwing daraan kayo, tatangayin kayo niyon,
sapagkat tuwing umaga ay daraan iyon,
sa araw at sa gabi.
at magiging kakilakilabot na maunawaan ang balita.
20 Sapagkat ang higaan ay napakaikli upang makaunat ang isa,
at ang kumot ay napakakitid upang maibalot sa kanya.
21 Sapagkat(B) ang Panginoon ay babangon na gaya sa Bundok ng Perasim,
siya'y mapopoot na gaya sa libis ng Gibeon;
upang gawin ang kanyang gawain—kataka-taka ang kanyang gawa!
at upang gawin ang kanyang gawain—kakaiba ang kanyang gawain!
22 Kaya't ngayo'y huwag kayong manuya,
baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay,
sapagkat ako'y nakarinig ng utos ng pagwasak,
mula sa Panginoong Diyos ng mga hukbo, sa buong lupa.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin,
7 lumapit(B) sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.
8 Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito?
9 Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.”
10 Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay.
11 Sapagkat(C) lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.
12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing.
13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001