Revised Common Lectionary (Complementary)
43 Hatulan mo ako, Oh Dios, at ipagsanggalang mo ang aking usap laban sa masamang bansa: Oh iligtas mo ako sa magdaraya at hindi ganap na tao.
2 Sapagka't ikaw ang Dios ng aking kalakasan; bakit mo ako itinakuwil? Bakit ako yumayaong tumatangis dahil sa pagpighati ng kaaway?
3 Oh suguin mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan; patnubayan nawa nila ako: dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok, at sa iyong mga tabernakulo.
4 Kung magkagayo'y paparoon ako sa dambana ng Dios, sa Dios na aking malabis na kagalakan: at sa alpa ay pupuri ako sa iyo, Oh Dios, aking Dios.
5 Bakit ka nanglulumo, Oh kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios: sapagka't pupuri pa ako sa kaniya, na siyang kagalingan ng aking mukha, at aking Dios.
6 Iginagalang ng anak ang kaniyang ama, at ng alila ang kaniyang panginoon: kung ako nga'y ama, saan nandoon ang aking dangal? at kung ako'y panginoon, saan nandoon ang takot sa akin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, Oh mga saserdote, na nagsisihamak ng aking pangalan. At inyong sinasabi, Sa ano namin hinamak ang iyong pangalan?
7 Kayo'y nangaghahandog ng karumaldumal na hain sa aking dambana. At inyong sinasabi, Sa ano namin nilapastangan ka? Sa inyong sinasabi, ang dulang ng Panginoon ay hamak.
8 At pagka kayo'y nangaghahandog ng bulag na pinakahain, di kasamaan! at pagka kayo'y nangaghahandog ng pilay at may sakit, di kasamaan! Iharap mo nga sa iyong tagapamahala; kalulugdan ka baga niya? o tatanggapin baga niya ang iyong pagkatao? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 At ngayo'y isinasamo ko sa inyo, inyong dalanginin ang lingap ng Dios, upang pagbiyayaan niya tayo; ito'y nangyari sa inyong mga paraan: tatanggapin baga niya ang pagkatao ng sinoman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10 Oh kung mayroon sana sa inyo na magsara ng mga pinto, upang huwag ninyong mangapaningasan ang apoy sa aking dambana ng walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ni tatanggap man ako ng handog sa inyong kamay.
11 Sapagka't mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa't dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka't ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Nguni't inyong nilapastangan na inyong sinasabi, Ang dulang ng Panginoon ay nadumhan, at ang laman niyaon, sa makatuwid baga'y ang hain doon ay hamak.
13 Inyong sinasabi rin naman, Narito, nakayayamot! at inyong nginusuan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at inyong iniharap ang nakuha sa dahas, at ang pilay, at ang may sakit; ganito ninyo dinadala ang handog: tatanggapin ko baga ito sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.
14 Nguni't sumpain ang magdaraya na mayroon sa kaniyang kawan na isang lalake, at nananata, at naghahain sa Panginoon ng marungis na bagay; sapagka't ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kakilakilabot sa gitna ng mga Gentil.
2 At ngayon, Oh kayong mga saserdote, ang utos na ito'y sa inyo.
2 Kung hindi ninyo didinggin, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso upang bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, magpapasapit nga ako ng sumpa sa inyo, at aking susumpain ang inyong kapalaran; oo, akin na silang sinumpa, sapagka't hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3 Narito, aking sisirain ang inyong binhi, at magsasabog ako ng dumi sa harap ng inyong mga mukha, sa makatuwid baga'y ng dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y pawang ilalabas na kasama niyaon.
4 At inyong malalaman na aking ipinasugo ang utos na ito sa inyo, upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Ang aking tipan ay buhay at kapayapaan sa kaniya; at aking mga ibinigay sa kaniya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagpakababa sa aking pangalan.
6 Ang kautusan tungkol sa katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at ang kalikuan ay hindi nasumpungan sa kaniyang mga labi: siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo sa kasamaan ang marami.
7 Sapagka't ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka't siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Nguni't kayo'y nagsilihis sa daan; inyong itinisod ang marami sa kautusan; inyong sinira ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Kaya't kayo'y ginawa ko namang hamak at pinakamababa sa harap ng buong bayan, ayon sa hindi ninyo pagkaingat ng aking mga daan, kundi tumangi kayo ng mga pagkatao sa kautusan.
13 Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.
14 Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.
15 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili.
16 Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya.
17 Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto?
18 At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya.
19 Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog?
20 Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito.
21 At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito.
22 Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.
23 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.
24 Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!
25 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpapaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.
26 Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.
27 Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.
28 Gayon din naman kayo, sa labas ay nangagaanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.
Public Domain