Revised Common Lectionary (Complementary)
96 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit: magsiawit kayo sa Panginoon, buong lupa.
2 Magsiawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya; ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa mga bansa ang kagilagilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan.
4 Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihin: siya'y kinatatakutang higit kay sa lahat na dios.
5 Sapagka't lahat ng mga dios sa mga bayan ay mga diosdiosan. Nguni't nilikha ng Panginoon ang langit.
6 Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario.
7 Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
8 Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo'y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban.
9 Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa.
10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, ang Panginoon ay naghahari: ang sanglibutan naman ay natatatag na hindi makikilos: kaniyang hahatulan ng karapatan ang mga bayan.
11 Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon;
12 Sumaya ang bukiran at lahat na nasa kaniya; kung magkagayo'y aawit dahil sa kagalakan, ang lahat na punong kahoy sa gubat;
13 Sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y dumarating: sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.
3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,
4 Na iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! ang bayang ginto ay naglikat!
5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang cetro ng mga pinuno;
6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.
7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila'y biglang nagsisiawit.
8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.
9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba'y naging gaya namin?
11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.
14 Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus,
2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya.
3 Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid.
4 Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya.
5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta.
6 Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes.
7 Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya.
8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
9 At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya;
10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina.
12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.
Public Domain