Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 98

98 Oh magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit; sapagka't siya'y gumawa ng mga kagilagilalas na bagay: ang kaniyang kanan at ang kaniyang banal na bisig ay gumawa ng kaligtasan para sa kaniya:

Ipinakilala ng Panginoon ang kaniyang pagliligtas: ang kaniyang katuwiran ay ipinakilala niyang lubos sa paningin ng mga bansa.

Kaniyang inalaala ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang pagtatapat sa bahay ng Israel: nakita ng lahat ng mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng aming Dios.

Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.

Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.

Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.

Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;

Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;

Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.

Daniel 3:1-18

Si Nabucodonosor na hari ay gumawa ng isang larawang ginto na ang taas ay anim na pung siko, at ang luwang niyao'y anim na siko: kaniyang itinayo sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia.

Nang magkagayo'y nagsugo si Nabucodonosor na hari upang pisanin ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno, at ang lahat na pinuno sa mga lalawigan upang magsiparoon sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

Nang magkagayo'y ang mga satrapa, ang mga kinatawan, at ang mga gobernador, ang mga hukom, ang mga tagaingat-yaman, ang mga kasangguni, ang mga pinuno at lahat ng pinuno sa mga lalawigan, ay nagpisan sa pagtatalaga ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor na hari; at sila'y nagsitayo sa harap ng larawan na itinayo ni Nabucodonosor.

Nang magkagayo'y ang tagapagtanyag ay sumigaw ng malakas, Sa inyo'y iniuutos, Oh mga bayan, mga bansa, at mga wika,

Na sa anomang oras na inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, kayo'y mangagpatirapa at magsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari;

At sinoman na hindi magpatirapa at sumamba sa oras na yaon ay ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

Kaya't sa oras na yaon, pagkarinig ng buong bayan ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, at ng lahat na sarisaring panugtog, lahat na bayan, mga bansa, at mga wika, ay nangagpatirapa at nagsisamba sa larawang ginto na itinayo ni Nabucodonosor na hari.

Dahil dito sa oras na yaon ay nagsilapit ang ilang taga Caldea, at nagsumbong laban sa mga Judio.

Sila'y nagsisagot, at nangagsabi kay Nabucodonosor na hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.

10 Ikaw, Oh hari, nagpasiya, na bawa't tao na makarinig ng tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, ay magpapatirapa, at sasamba sa larawang ginto.

11 At sinomang hindi magpatirapa at sumamba, ihahagis sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas.

12 May ilang Judio na iyong inihalal sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia na si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego; ang mga lalaking ito, Oh hari, ay hindi ka pinakundanganan: sila'y hindi nangaglilingkod sa iyong mga dios, ni nagsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

13 Nang magkagayo'y sa poot at pusok ni Nabucodonosor, ay nagutos na dalhin si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego. Kanila ngang dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari.

14 Si Nabucodonosor ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Sinasadya nga ba ninyo, Oh Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na kayo'y hindi mangaglilingkod sa aking dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na aking itinayo?

15 Kung kayo nga'y magsihanda sa panahong inyong marinig ang tunog ng korneta, ng plauta, ng alpa, ng sambuko, ng salterio, ng gaita, at ng lahat na sarisaring panugtog, na mangagpatirapa at magsisamba sa larawan na aking ginawa, mabuti: nguni't kung kayo'y hindi magsisamba, kayo'y ihahagis sa oras ding yaon sa gitna ng mabangis na hurnong nagniningas; at sinong dios ang magliligtas sa inyo sa aking kamay?

16 Si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, ay nagsisagot, at nangagsabi sa hari, Oh Nabucodonosor, kami ay walang kailangan na magsisagot sa iyo sa bagay na ito.

17 Narito, ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin sa mabangis na hurnong nagniningas; at ililigtas niya kami sa iyong kamay, Oh hari.

18 Nguni't kung hindi, talastasin mo, Oh hari, na hindi kami mangaglilingkod sa iyong mga dios, ni magsisisamba man sa larawang ginto na iyong itinayo.

Pahayag 18:1-10

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian.

At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.

Sapagka't dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan.

At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:

Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.

Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo.

Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa.

Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya.

At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at nangabuhay na malayaw na kasama niya, ay mangagsisiiyak at mangagsisitaghoy tungkol sa kaniya, pagkakita nila ng usok ng kaniyang pagkasunog,

10 At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba ng dakilang bayang Babilonia, ng bayang matibay! sapagka't sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.

Pahayag 18:19-20

19 At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol.

20 Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain