Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Mga Bilang 5:5-10

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, Pagka ang isang lalake o babae ay nakagawa ng anomang kasalanan na nagagawa ng mga tao, na sumasalangsang laban sa Panginoon at ang gayong tao ay naging salarin;

Ay kaniyang isusulit nga ang kaniyang kasalanang nagawa: at kaniyang pagbabayarang lubos ang kaniyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa pinagkasalahan.

Datapuwa't kung ang lalake ay walang kamaganak na mapagbabayaran ng sala, ay mapapasa saserdote ang kabayaran ng sala na handog sa Panginoon, bukod sa tupang lalaking pinakatubos na ipangtutubos sa kaniya.

At ang bawa't handog na itinaas sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel, na kanilang ihaharap sa saserdote ay magiging kaniya.

10 At ang mga bagay na banal ng bawa't lalake ay magiging kaniya: ang ibigay ng sinomang tao sa saserdote ay magiging kaniya.

Tito 1:5-16

Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang husayin mo ang mga bagay na nagkukulang, at maghalal ng mga matanda sa bawa't bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo;

Kung ang sinoman ay walang kapintasan, asawa ng isang babae lamang, na may mga anak na nagsisisampalataya, na hindi maisusumbong sa pangliligalig o suwail.

Sapagka't dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan;

Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil;

Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.

10 Sapagka't may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli,

11 Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.

12 Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad.

13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya,

14 Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.

15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa't sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa.

16 Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa'y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa't gawang mabuti.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain