Revised Common Lectionary (Complementary)
130 Mula sa mga kalaliman ay dumaing ako sa iyo, Oh Panginoon.
2 Panginoon, dinggin mo ang aking tinig: pakinggan ng iyong mga pakinig ang tinig ng aking mga pamanhik.
3 Kung ikaw, Panginoon, magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo?
4 Nguni't may kapatawarang taglay ka, upang ikaw ay katakutan.
5 Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ay umaasa ako.
6 Hinihintay ng aking kaluluwa ang Panginoon, ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga; Oo, higit kay sa bantay sa umaga.
7 Oh Israel, umasa ka sa Panginoon; sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob.
8 At kaniyang tutubusin ang Israel sa lahat niyang kasamaan.
29 Si Ezechias ay nagpasimulang maghari nang siya'y dalawangpu't limang taon: at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abia na anak ni Zacharias.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
3 Siya'y nagbukas sa unang taon ng kaniyang paghahari, na unang buwan, ng mga pinto ng bahay ng Panginoon, at mga hinusay.
4 At kaniyang ipinasok ang mga saserdote at mga Levita, at pinisan sila sa maluwang na dako sa silanganan,
5 At sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga Levita; ngayo'y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
6 Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.
7 Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel.
8 Kaya't ang pagiinit ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ibinigay niya sila upang hamakin saa't saan man, upang maging katigilan, at kasutsutan, gaya ng inyong nakikita ng inyong mga mata.
9 Sapagka't narito, ang ating mga magulang ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalake at babae at ang ating mga asawa ay nangasa pagkabihag dahil dito.
10 Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa atin.
11 Mga anak ko, huwag kayong mangagpabaya: sapagka't pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap niya, upang magsipangasiwa sa kaniya, at kayo'y maging kaniyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.
12 Nang magkagayo'y nagsitindig ang mga Levita, si Mahath na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias sa mga anak ng mga Coathita: at sa mga anak ni Merari, si Cis na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehaleleel: at sa mga Gersonita, si Joah na anak ni Zimma, at si Eden na anak ni Joah:
13 At sa mga anak ni Elisaphan, si Simri, at si Jehiel: at sa mga anak ni Asaph, si Zacharias at si Mathanias:
14 At sa mga anak ni Heman, si Jehiel at si Simi: at sa mga anak ni Jeduthun, si Semeias at si Uzziel.
15 At pinisan nila ang kanilang mga kapatid, at nangagpakabanal, at nagsipasok ayon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.
16 At ang mga saserdote ay nagsipasok sa pinakaloob ng bahay ng Panginoon, upang linisin, at inilabas ang lahat na dumi na kanilang nasumpungan sa templo ng Panginoon. At kinuha ng mga Levita upang ilabas sa batis ng Cedron.
17 Sila nga'y nagpasimula na mangagpakabanal nang unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw ng buwan ay nagsiparoon sila sa portiko ng Panginoon; at kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa walong araw; at sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay kanilang niwakasan.
18 Nang magkagayo'y kanilang pinasok si Ezechias na hari, sa loob ng palasio, at kanilang sinabi, Aming nilinis ang buong bahay ng Panginoon, at ang dambana ng handog na susunugin, pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at ang dulang ng tinapay na handog, pati ng lahat na kasangkapan niyaon.
19 Bukod dito'y lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.
3 Oh mga mangmang na taga Galacia, sino ang mga nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata'y si Jesucristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag?
2 Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?
3 Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo'y nangagpapakasakdal kayo sa laman?
4 Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan.
5 Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?
6 Gaya nga ni Abraham na sumampalataya sa Dios, at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran.
7 Talastasin nga ninyo na ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay mga anak ni Abraham.
8 At sapagka't ipinakita na ng kasulatan, na aariing-ganap ng Dios ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinangaral na nang una ang evangelio kay Abraham, na sinasabi, Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.
9 Kaya't ang mga sa pananampalataya ay pinagpapala kay Abraham na may pananampalataya.
Public Domain