Revised Common Lectionary (Complementary)
30 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.
2 Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.
3 Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.
4 Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.
5 Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.
7 Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.
8 Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:
9 Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?
10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.
11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:
12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.
12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae: Pahintulutan mo ang iyong lingkod, isinasamo ko sa iyo, na magsalita ng isang salita sa aking panginoon na hari. At kaniyang sinabi, Sabihin mo.
13 At sinabi ng babae, Bakit nga iyong inakala ang gayong bagay laban sa bayan ng Dios? sapagka't sa pagsasalita ng ganitong salita ay parang may sala ang hari, dangang hindi ipinabalik ng hari ang kaniyang sariling itinapon.
14 Sapagka't tayo'y mamamatay na walang pagsala at gaya ng tubig na mabubuhos sa lupa, na hindi mapupulot uli: ni nagaalis man ang Dios ng buhay, kundi humahanap ng paraan na siya na itinapon ay huwag mamalagi na tapon sa kaniya.
15 Ngayon nga'y kung kaya't ako'y naparito upang salitain ang salitang ito sa aking panginoon na hari, ay sapagka't tinakot ako ng bayan: at sinabi ng iyong lingkod, Ako'y magsasalita sa hari; marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.
16 Sapagka't didinggin ng hari upang iligtas ang kaniyang lingkod sa kamay ng lalake na nagiibig magbuwal sa akin at sa aking anak na magkasama sa mana ng Dios.
17 Nang magkagayo'y sinabi ng iyong lingkod, Isinasamo ko sa iyo na ang salita ng aking panginoon na hari ay sa ikaaaliw: sapagka't kung paano ang anghel ng Dios, ay gayon ang aking panginoon na hari na magdilidili ng mabuti at masama: at ang Panginoong iyong Dios ay sumaiyo nawa.
18 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi sa babae, Huwag mong ikubli sa akin, isinasamo ko sa iyo, ang anoman na aking itatanong sa iyo. At sinabi ng babae, Magsalita nga ang aking panginoon na hari.
19 At sinabi ng hari, sumasaiyo ba ang kamay ni Joab sa bagay na ito? At sumagot ang babae at nagsabi, Buhay ang iyong kaluluwa, panginoon ko na hari, walang makaliliko sa kanan o sa kaliwa sa anoman na sinalita ng aking panginoon na hari, sapagka't ang iyong lingkod na si Joab ay siyang nagutos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod:
20 Upang baguhin ang anyo ng bagay ay ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito: at ang aking panginoon ay pantas ayon sa karunungan ng anghel ng Dios, na makaalam ng lahat ng mga bagay na nasa lupa.
21 At sinabi ng hari kay Joab, Narito, ngayon, aking ginawa ang bagay na ito: yumaon ka nga, dalhin mo rito uli ang binatang si Absalom.
22 At nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang, at binasbasan ang hari: at sinabi ni Joab, Ngayo'y talastas ng iyong lingkod na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko, Oh hari, sa paraang pinayagan ng hari ang kahilingan ng kaniyang lingkod.
23 Sa gayo'y bumangon si Joab at naparoon sa Gessur, at dinala si Absalom sa Jerusalem.
24 At sinabi ng hari, Bumalik siya sa kaniyang sariling bahay, nguni't huwag makita ang aking mukha. Sa gayo'y bumalik si Absalom sa kaniyang sariling bahay, at hindi nakita ang mukha ng hari.
26 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang:
2 Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin.
3 Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.
4 Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio;
5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.
6 At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;
7 Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari!
8 Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay?
9 Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret.
10 At ginawa ko rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila.
11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.
Public Domain