Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 32

32 Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan.

Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya.

Nang ako'y tumahimik, ay nanglumo ang aking mga buto dahil sa aking pagangal buong araw.

Sapagka't araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay: ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)

Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: aking sinabi, aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.

Dahil dito'y dalanginan ka nawa ng bawa't isa na banal sa panahong masusumpungan ka: tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.

Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan; iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.

Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa: na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila, na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo.

10 Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni't siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.

11 Kayo'y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid: at magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.

2 Samuel 13:23-39

23 At nangyari, pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagpagupit ng mga tupa si Absalom sa Baal-hasor na nasa siping ng Ephraim: at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari.

24 At naparoon si Absalom sa hari, at sinabi niya, Narito ngayon, ang iyong lingkod ay nagpapagupit ng mga tupa; isinasamo ko sa iyo na ang hari at ang kaniyang mga lingkod ay magsiyaong kasama ng iyong lingkod.

25 At sinabi ng hari kay Absalom, Huwag anak ko, huwag tayong magsiyaong lahat, baka maging mabigat na pasan sa iyo. At pinilit niya siya: gayon ma'y hindi siya yumaon, kundi binasbasan siya.

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Kung hindi isinasamo ko sa iyo, pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit siya sasama sa iyo?

27 Nguni't pinilit siya ni Absalom, na anopa't kaniyang pinasama sa kaniya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.

28 At iniutos ni Absalom sa kaniyang mga lingkod na sinasabi, Tandaan ninyo ngayon, pagka ang puso ni Amnon ay sumaya dahil sa alak; at pagka ang aking sinabi sa inyo, Saktan ninyo si Amnon, patayin nga ninyo siya: huwag kayong mangatakot: hindi ba ako ang nagutos sa inyo? kayo nga'y magpakalakas, at magpakatapang.

29 At ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y nagsitindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay bawa't lalake sa kaniyang mula, at tumakas.

30 At nangyari, samantalang sila'y nasa daan, na ang balita ay dumating kay David, na sinasabi, Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabi isa man sa kanila.

31 Nang magkagayo'y bumangon ang hari at hinapak ang kaniyang mga suot, at humiga sa lupa; at lahat niyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot na hapak ang kanilang mga suot.

32 At si Jonadab na anak ni Simea na kapatid ni David, ay sumagot at nagsabi, Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagka't si Amnon lamang ang patay: sapagka't sa pasiya ni Absalom ay pinasiyahan ito mula sa araw na kaniyang dahasin ang kaniyang kapatid na si Thamar.

33 Ngayon nga'y huwag isapuso ng aking panginoon na hari ang bagay, na akalain ang lahat ng mga anak ng hari ay patay: sapagka't si Amnon lamang ang patay.

34 Nguni't si Absalom ay tumakas. At ang bataan na nagbabantay ay tumanaw ng kaniyang mga mata, at tumingin, at, narito, dumarating ay maraming tao sa daan na mula sa burol, sa likuran niya.

35 At sinabi ni Jonadab sa hari, Narito, ang mga anak ng hari ay nagsisidating: kung ano ang sinabi ng inyong lingkod, ay nagkagayon.

36 At nangyari pagkatapos niyang makapagsalita, na, narito, ang mga anak ng hari ay nagsidating, at inilakas ang kanilang tinig at nagsiiyak: at ang hari naman at ang lahat niyang mga lingkod ay nagsiiyak na mainam.

37 Nguni't tumakas si Absalom at naparoon kay Talmai na anak ni Amiud na hari sa Gessur. At tinangisan ni David ang kaniyang anak araw araw.

38 Sa gayo'y tumakas si Absalom at naparoon sa Gessur, at dumoong tatlong taon.

39 At pinanabikan ng haring David na paroonan si Absalom: sapagka't siya'y naaliw na tungkol kay Amnon yamang patay na.

Santiago 4:1-7

Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo? hindi baga nagbubuhat dito, sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap?

Kayo'y nangagiimbot, at kayo'y wala: kayo'y nagsisipatay, at kayo'y nangaiinggit, at hindi maaaring kamtan: kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka; kayo'y wala, sapagka't hindi kayo nagsisihingi.

Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagka't nagsisihingi kayo ng masama, upang gugulin sa inyong mga kalayawan.

Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.

O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian?

Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya. Kaya't sinasabi ng kasulatan, Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.

Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain