Revised Common Lectionary (Complementary)
68 Bumangon nawa ang Dios, mangalat ang kaniyang mga kaaway; sila namang nangagtatanim sa kaniya ay magsitakas sa harap niya.
2 Kung paanong napaparam ang usok ay gayon nangapaparam sila. Kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy, gayon mamatay ang masama sa harapan ng Dios.
3 Nguni't mangatuwa ang matuwid; mangagalak sila sa harap ng Dios: Oo, mangagalak sila ng kasayahan.
4 Kayo'y magsiawit sa Dios, kayo'y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan: ipaghanda ninyo ng maluwang na lansangan siya na nangangabayo sa mga ilang; ang kaniyang pangalan ay JAH; at mangagalak kayo sa harap niya.
5 Ama ng mga ulila, at hukom ng mga babaing bao, ang Dios sa kaniyang banal na tahanan.
6 Pinapagmamaganak ng Dios ang mga nagiisa: kaniyang inilalabas sa kaginhawahan ang mga bilanggo: nguni't ang mga mapanghimagsik ay magsisitahan sa tuyong lupa.
7 Oh Dios, nang ikaw ay lumabas sa harap ng iyong bayan, nang ikaw ay lumakad sa ilang; (Selah)
8 Ang lupa ay nayanig, ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios: ang Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.
9 Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan, iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.
10 Ang iyong kapisanan ay tumahan doon: ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.
19 Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, sa makatuwid baga'y ang Dios na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Dios sa amin ay Dios ng mga kaligtasan; at kay Jehova na Panginoon ukol ang pagpapalaya sa kamatayan.
29 Nang magkagayo'y ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Jephte, at siya'y nagdaan ng Galaad at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Galaad, at mula sa Mizpa ng Galaad ay nagdaan siya sa mga anak ni Ammon.
30 At nagpanata si Jephte ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na iyong ibibigay ang mga anak ni Ammon sa aking kamay,
31 Ay mangyayari nga, na sinomang lumabas na sumalubong sa akin sa mga pintuan ng aking bahay, pagbalik kong payapa na galing sa mga anak ni Ammon, ay magiging sa Panginoon, at aking ihahandog na pinakahandog na susunugin.
32 Sa gayo'y nagdaan si Jephte sa mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay.
33 At sila'y sinaktan niya ng di kawasang pagpatay mula sa Aroer hanggang sa Minnith, na may dalawang pung bayan, at hanggang sa Abelkeramim. Sa gayo'y sumuko ang mga anak ni Ammon sa mga anak ni Israel.
34 At si Jephte ay naparoon sa Mizpa sa kaniyang bahay; at, narito, ang kaniyang anak na babae ay lumalabas na sinasalubong siya ng pandereta at ng sayaw: at siya ang kaniyang bugtong na anak: liban sa kaniya'y wala na siyang anak na lalake o babae man.
35 At nangyari, pagkakita niya sa kaniya, na kaniyang hinapak ang kaniyang damit, at sinabi, Sa aba ko, aking anak! pinapakumbaba mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin: sapagka't aking ibinuka ang aking bibig sa Panginoon, at hindi na ako makapanumbalik.
36 At sinabi niya sa kaniya, Ama ko, iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon; gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangusap ng iyong bibig; yamang ipinanghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Ammon.
37 At sinabi niya sa kaniyang ama, Ipagawa mo ang bagay na ito sa akin: pahintulutan mo lamang akong dalawang buwan, upang ako'y humayo't yumaon sa mga bundukin at aking itangis ang aking pagkadalaga, ako at ang aking mga kasama.
38 At kaniyang sinabi, Yumaon ka. At pinapagpaalam niya siyang dalawang buwan: at siya'y yumaon, siya at ang kaniyang mga kasama, at itinangis ang kaniyang pagkadalaga sa mga bundukin.
39 At nangyari, sa katapusan ng dalawang buwan, na siya'y nagbalik sa kaniyang ama, na ginawa sa kaniya ang ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata: at siya'y hindi nasipingan ng lalake. At naging kaugalian sa Israel,
40 Na ipinagdidiwang taon taon ng mga anak na babae ng Israel ang anak ni Jephte na Galaadita, na apat na araw sa isang taon.
11 Nguni't nang dumating si Cefas sa Antioquia, ay sumalansang ako sa kaniya ng mukhaan, sapagka't siya'y nararapat hatulan.
12 Sapagka't bago nagsidating ang ilang mula kay Santiago, ay nakisalo siya sa mga Gentil; nguni't nang sila'y magsidating na, siya'y umurong, at humiwalay sa mga Gentil, palibhasa'y natatakot sa mga sa pagtutuli.
13 At ang ibang mga Judio ay nangagpakunwari rin namang kasama niya: ano pa't pati si Bernabe ay nabuyo sa kanilang pagkukunwari.
14 Nguni't nang aking makita na hindi sila nagsisilakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng evangelio, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Gentil, at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?
Public Domain