Old/New Testament
Ang Matuwid at Mayamang si Job
1 May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.
2 May isinilang sa kanya na pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
3 Siya ay mayroong pitong libong tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang magkatuwang na baka, limang daang babaing asno, at napakaraming mga lingkod; kaya't ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga taga-silangan.
4 Ang kanyang mga anak na lalaki ay laging nagtutungo at nagdaraos ng pagdiriwang sa bahay ng bawat isa sa kanyang araw; at sila'y nagsusugo at inaanyayahan ang kanilang tatlong kapatid na babae upang kumain at uminom na kasalo nila.
5 Pagkatapos ng mga araw ng kanilang pagdiriwang, sila ay ipinasugo ni Job at pinapagbanal. Siya'y maagang bumabangon sa umaga at naghahandog ng mga handog na sinusunog ayon sa bilang nilang lahat, sapagkat sinabi ni Job, “Maaaring ang aking mga anak ay nagkasala, at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ganito ang palaging ginagawa ni Job.
6 Isang(A) araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at si Satanas[a] ay dumating din namang kasama nila.
7 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas sa Panginoon, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.”
9 Pagkatapos(B) ay sumagot si Satanas sa Panginoon, “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit?
10 Hindi ba't binakuran mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako? Pinagpala mo ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang mga pag-aari ay dumami sa lupain.
11 Ngunit pagbuhatan mo siya ngayon ng iyong kamay, galawin mo ang lahat ng pag-aari niya, at susumpain ka niya nang mukhaan.”
12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan, subalit huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng iyong kamay.” Sa gayo'y umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon.
Ang mga Kasawiang-palad ni Job at ang Kanyang Pagtitiis
13 Isang araw, nang ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay,
14 dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, “Nag-aararo ang mga baka, at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila,
15 sinalakay at tinangay sila ng mga Sabeo, at kanilang pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
16 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang apoy ng Diyos ay bumagsak mula sa langit, at sinunog ang mga tupa at ang mga lingkod, at inubos sila. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
17 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang mga Caldeo ay nagtatlong pangkat, sinalakay ang mga kamelyo, tinangay ang mga iyon, at pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod; at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
18 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.
19 Biglang dumating ang isang malakas na hangin mula sa ilang, hinampas ang apat na sulok ng bahay, lumagpak ito sa mga kabataan, at sila'y namatay. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
20 Pagkatapos ay tumindig si Job, pinunit ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa at sumamba.
21 Sinabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, at hubad akong babalik doon. Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon.”
22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni pinaratangan man ng kasamaan ang Diyos.
Si Job ay Nagkaroon ng mga Bukol
2 Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa Panginoon.
2 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan.”
4 Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, “Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay.
5 Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan.”
6 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”
7 Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.
8 At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo.
9 Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.”
10 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.
Dinalaw Siya ng Tatlong Kaibigan
11 Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya.
12 Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit.
13 At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki.
22 Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa.
23 “Nang(A) siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang[a] dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel.
24 Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio.
25 Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan[b] na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya,[c] ngunit hindi nila naunawaan.
26 Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, ‘Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?’
27 Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, ‘Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin?
28 Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?’
29 Nang(B) marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki.
30 “Nang(C) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.
31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:
32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.
33 At sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.
34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.’
35 “Ang(D) Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, ‘Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?’ ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.
36 Sila'y(E) pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Ito(F) ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.’
38 Ito'y(G) yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buháy na aral upang ibigay sa atin.
39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,
40 na(H) sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.’
41 Gumawa(I) sila nang mga araw na iyon ng isang guya, at naghandog ng alay sa diyus-diyosan at nagsaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay.
42 Ngunit(J) iniwan sila ng Diyos, at sila'y pinabayaang sumamba sa hukbo ng langit, gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
‘Inalayan ba ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga handog,
na apatnapung taon sa ilang, O angkan ni Israel?
43 Dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc,
at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001