Old/New Testament
Si Jehoshafat ang Pumalit kay Asa
17 Si Jehoshafat na kanyang anak ay nagharing kapalit niya at pinalakas ang kanyang sarili laban sa Israel.
2 Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may kuta sa Juda, at naglagay ng mga tanggulan sa lupain ng Juda, at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.
3 Ang Panginoon ay kasama ni Jehoshafat, sapagkat siya'y lumakad sa mga unang lakad ng kanyang ama[a] at hindi niya hinanap ang mga Baal;
4 kundi hinanap ang Diyos ng kanyang ama at lumakad sa kanyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.
5 Kaya't pinatatag ng Panginoon ang kaharian sa kanyang kamay. Ang buong Juda ay nagdala kay Jehoshafat ng mga kaloob at siya'y nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan.
6 Ang kanyang puso ay matapang sa mga pamamaraan ng Panginoon; at bukod dito'y inalis niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste[b] sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari ay kanyang sinugo ang kanyang mga pinuno, sina Benhail, Obadias, Zacarias, Natanael, at Micaya upang magturo sa mga bayan ng Juda.
8 Kasama nila ang mga Levita na sina Shemaya, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jonathan, Adonias, Tobia, at Tobadonias, at kasama ng mga Levitang ito ay ang mga paring sina Elishama at Jehoram.
9 At sila'y nagturo sa Juda na may aklat ng kautusan ng Panginoon. Sila'y humayo sa palibot ng lahat na bayan ng Juda at nagturo sa gitna ng bayan.
Ang Kadakilaan ni Jehoshafat
10 At ang takot sa Panginoon ay dumating sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nasa palibot ng Juda, at sila'y hindi nakipagdigma laban kay Jehoshafat.
11 Ang ilan sa mga Filisteo ay nagdala ng mga kaloob kay Jehoshafat at ng pilak bilang buwis; ang mga taga-Arabia ay nagdala naman sa kanya ng pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalaki.
12 At si Jehoshafat ay lalong naging makapangyarihan. Siya'y nagtayo sa Juda ng mga muog at mga lunsod-imbakan,
13 at siya'y nagkaroon ng maraming mga imbakan sa mga bayan ng Juda. Nagkaroon siya ng mga kawal, mga magigiting na mandirigma sa Jerusalem.
14 Ito ang bilang nila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: mula sa Juda, ang mga punong-kawal ng libu-libo; si Adna na punong-kawal, na may kasamang tatlong daang libong magigiting na mandirigma;
15 at sunod sa kanya ay si Jehohanan na punong-kawal, na may dalawandaan at walumpung libo.
16 Kasunod niya ay si Amasias na anak ni Zicri, isang kusang-loob para sa paglilingkod sa Panginoon; na may dalawandaang libong magigiting na mandirigma.
17 Mula sa Benjamin: si Eliada na isang magiting na mandirigma, na may dalawandaang libong tauhan na may sakbat na pana at kalasag,
18 at sunod sa kanya ay si Jozabad na may isandaan at walumpung libo na may sandata sa pakikipagdigma.
19 Ang mga ito ay naglingkod sa hari bukod sa mga inilagay ng hari sa mga lunsod na may kuta sa buong Juda.
Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(A)
18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.
2 Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.
3 Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”
Nagtanong sa Propeta
4 At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
5 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”
6 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”
7 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”
8 At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.
10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”
11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”
13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”
14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
16 Kaya't(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”
18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.
20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’
21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'
22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”
25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;
26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”
27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.
30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”
31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;
32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.
33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”
34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2 Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4 Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5 Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6 Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”
8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”
9 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”
10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”
12 Kaya(A) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
18 Hindi(C) ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’
19 Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.
20 Katotohanang(D) sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001