Old/New Testament
Mga Paghahanda para sa Paskuwa
30 Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel.
2 Sapagkat(A) ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan—
3 yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem.
4 Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan.
5 Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas.
6 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa Panginoon, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria.
7 Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita.
8 Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa Panginoon. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo.
9 Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.
11 Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.
12 Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
Ipinagdiwang ang Paskuwa
13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.
14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.
15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.
16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.
17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.
18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,
19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”
20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.
21 At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.
Ang Ikalawang Pagdiriwang
22 Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.
24 Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.
25 At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.
26 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.
27 Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.
Binago ni Hezekias ang Buhay-relihiyon
31 Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste[a] at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian.
2 Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng Panginoon at magpasalamat at magpuri.
3 Ang(B) ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
4 At(C) nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng Panginoon.
5 Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay.
6 Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa Panginoon nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan.
7 Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan.
8 Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang Panginoon at ang kanyang bayang Israel.
9 At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan.
10 Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, “Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng Panginoon, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng Panginoon ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi.”
11 Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila ang mga iyon.
12 At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid.
13 Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos.
14 Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa Panginoon at sa mga kabanal-banalang bagay.
15 Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat,
16 maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat.
17 Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat.
18 Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili.
19 At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala.
20 Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, matuwid, at tapat sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
21 At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad.
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
18 Nang masabi ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kanyang mga alagad na tumawid sa libis ng Cedron, patungo sa isang pook na may isang halamanan, na pinasok niya at ng kanyang mga alagad.
2 Alam din ni Judas, na sa kanya'y nagkanulo, ang lugar sapagkat madalas na si Jesus ay nakikipagtipon doon kasama ng kanyang mga alagad.
3 Kaya't si Judas ay nagdala ng pulutong ng mga kawal at ng mga punong-kawal mula sa mga punong pari at mga Fariseo, at pumunta roon na may mga ilawan, mga sulo, at mga sandata.
4 Si Jesus na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na mangyayari sa kanya ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, “Sino ang inyong hinahanap?”
5 Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako nga iyon.” Si Judas na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila.
6 Nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Ako nga,” umurong sila at bumagsak sa lupa.
7 Kaya't muli niyang tinanong sila, “Sino ang inyong hinahanap?” At sinabi nila, “Si Jesus na taga-Nazaret.”
8 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko sa inyo na, ‘Ako nga’. Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.”
9 Ito ay upang matupad ang salitang sinabi niya, “Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa.”
10 Pagkatapos, si Simon Pedro na may tabak ay hinugot ito, at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malco.
11 Kaya't(B) sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?”
Si Jesus sa Harap ni Anas
12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang kapitan, at ng mga punong-kawal ng mga Judio.
13 Siya'y dinala muna kay Anas, sapagkat siya'y biyenan ni Caifas, na pinakapunong pari nang panahong iyon.
14 Si(C) Caifas ang siyang nagpayo sa mga Judio na dapat na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa bayan.
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(D)
15 Sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayundin ang isa pang alagad. Sapagkat ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari.
16 Samantala, si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang alagad na kilala ng pinakapunong pari ay lumabas at kinausap ang babaing tanod sa pinto, at ipinasok si Pedro.
17 Sinabi kay Pedro ng babaing tanod sa pinto, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?” Sinabi niya, “Hindi.”
18 Ang mga alipin at ang mga punong-kawal ay nagpapaningas ng siga sapagkat maginaw. Sila'y nakatayo roon at nagpapainit. Si Pedro ay kasama rin nila na nakatayo at nagpapainit.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001