Old/New Testament
Pinatay ang mga Anak ni Saul
21 Samantala, nagkaroon ng taggutom sa mga araw ni David, taun-taon sa loob ng tatlong taon; at nag-usisa si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon, “May pagkakasala kay Saul at sa kanyang sambahayan, sapagkat kanyang ipinapatay ang mga Gibeonita.”
2 Kaya't(A) tinawag ng hari ang mga Gibeonita. Ang mga Gibeonita ay hindi mga anak ni Israel, kundi mula sa nalabi sa mga Amoreo. Bagaman ang mga anak ni Israel ay sumumpang iligtas sila, pinagsikapan ni Saul na patayin sila dahil sa kanyang sigasig para sa bayan ng Israel at Juda.
3 At sinabi ni David sa mga Gibeonita, “Ano ang gagawin ko para sa inyo? At paano ko matutubos, upang inyong mabasbasan ang pamana ng Panginoon?”
4 Sinabi ng mga Gibeonita sa kanya, “Hindi tungkol sa pilak o ginto ang namamagitan sa amin at kay Saul, o sa kanyang sambahayan. Hindi rin para sa amin na patayin ang sinumang tao sa Israel.” At kanyang sinabi, “Anumang sabihin ninyo ay aking gagawin sa inyo!”
5 Kanilang sinabi sa hari, “Ang lalaking pumuksa sa amin at nagpanukalang lipulin kami, upang huwag kaming magkaroon ng lugar sa buong nasasakupan ng Israel,
6 ay ibigay sa amin ang pito sa kanyang mga anak, upang aming ibitin sila sa harapan ng Panginoon sa Gibeon sa bundok ng Panginoon.” At sinabi ng hari, “Ibibigay ko sila.”
7 Ngunit(B) iniligtas ng hari si Mefiboset na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, dahil sa panata ng Panginoon na namamagitan sa kanila, kina David at Jonathan na anak ni Saul.
8 Kinuha(C) ng hari ang dalawang anak ni Rispa, na anak ni Aya, na kanyang ipinanganak kay Saul, sina Armoni at Mefiboset at ang limang anak ni Mical na anak na babae ni Saul na kanyang ipinanganak kay Adriel na anak ni Barzilai, na Meholatita;
9 at kanyang ibinigay sila sa mga kamay ng mga Gibeonita at kanilang ibinitin sila sa bundok sa harapan ng Panginoon, at magkakasamang namatay ang pito. Sila'y pinatay sa mga unang mga araw ng pag-aani, sa pasimula ng pag-aani ng sebada.
10 Kumuha si Rispa na anak ni Aya ng isang magaspang na tela, at inilatag para sa kanyang sarili sa ibabaw ng bato, mula sa pasimula ng pag-aani hanggang sa ang ulan ay bumuhos mula sa langit. Hindi niya hinayaan ang mga ibon sa himpapawid na dumapo kapag araw o ang mga hayop sa parang kapag gabi.
11 Nang sabihin kay David ang ginawa ni Rispa na anak ni Aya, na babae ni Saul,
12 humayo(D) si David at kinuha ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa mga lalaki ng Jabes-gilead, na siyang nagnanakaw ng mga iyon sa liwasang-bayan ng Bet-shan, sa lugar na pinagbitinan sa kanila ng mga Filisteo, nang araw na patayin ng mga Filisteo si Saul sa Gilboa.
13 Kanyang kinuha mula roon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak; at kanilang tinipon ang mga buto ng mga ibinitin.
14 Kanilang ibinaon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa lupain ng Benjamin sa Zela, sa libingan ni Kish na kanyang ama; at kanilang tinupad ang lahat na iniutos ng hari. Pagkatapos, ang Diyos ay tumugon sa dalangin para sa lupain.
Mga Pakikidigma Laban sa mga Filisteo
15 Ang mga Filisteo ay muling nakipagdigma sa Israel; at si David ay lumusong kasama ang kanyang mga lingkod at sila'y lumaban sa mga Filisteo; at si David ay napagod.
16 At si Isbibenob, na isa sa mga anak ng higante na ang bigat ng kanyang sibat ay tatlongdaang siklong tanso, na may bigkis ng bagong tabak ay nagpanukalang patayin si David.
17 Ngunit(E) sinaklolohan siya ni Abisai na anak ni Zeruia, at sinalakay ang Filisteo at pinatay siya. Nang magkagayo'y sumumpa sa kanya ang mga tauhan ni David, “Hindi ka na lalabas pang kasama namin sa labanan, baka mo patayin ang tanglaw ng Israel.”
18 Pagkatapos nito, muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; nang magkagayo'y pinatay ni Shibecai na Husatita si Saf, na isa sa mga anak ng higante.
19 Muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jaareoregim, na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo, na ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi.
20 At muling nagkaroon ng labanan sa Gat, na roo'y may isang lalaking napakatangkad, na sa bawat kamay ay may anim na daliri, at sa bawat paa'y may anim na daliri, na dalawampu't apat ang bilang. Siya man ay mula sa mga higante.
21 Nang kanyang tuyain ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimei, na kapatid ni David.
22 Ang apat na ito ay buhat sa lahi ng higante sa Gat; at sila'y nabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at ng kamay ng kanyang mga lingkod.
Awit ng Pagtatagumpay ni David(F)
22 At binigkas ni David sa Panginoon ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng Panginoon mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.
2 At kanyang sinabi,
“Ang Panginoon ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko,
3 ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako,
ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan,
ang aking matayog na muog at aking kanlungan.
Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
4 Ako'y tatawag sa Panginoon na siyang karapat-dapat papurihan,
at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway.
5 “Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan,
dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan,
6 ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin,
ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin.
7 “Tumawag ako sa Panginoon sa aking kagipitan,
sa aking Diyos ako'y nanawagan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig,
at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig.
8 “Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig,
ang mga saligan ng mga langit ay nanginig
at nilindol, sapagkat siya'y nagalit.
9 Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon;
nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy.
10 Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba;
makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa.
11 Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad;
siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12 Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong,
makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon.
13 Mula sa kaningningan sa kanyang harapan,
mga bagang apoy ay nag-alab.
14 Ang Panginoon ay kumulog mula sa langit,
at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig.
15 At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila;
kumidlat, at pinuksa sila.
16 Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw,
nalantad ang mga saligan ng sanlibutan,
dahil sa saway ng Panginoon,
sa hihip ng hininga ng kanyang ilong.
17 “Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip,
iniahon niya ako mula sa maraming tubig.
18 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
mula sa mga napopoot sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
19 Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan,
ngunit ang Panginoon ay siya kong sanggalang.
20 Dinala niya ako sa isang malawak na dako;
sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako.
21 “Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan.
22 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
23 Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan,
at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay.
24 Ako'y walang kapintasan sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
25 Kaya't ginantihan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan.
26 “Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan;
sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan;
27 sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan;
at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan.
28 Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba,
ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba.
29 Oo, ikaw ang aking ilawan, O Panginoon:
at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.
30 Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta.
31 Ang Diyos na ito—sakdal ang kanyang daan;
ang pangako ng Panginoon ay subok na tunay;
sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang.
32 “Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos?
33 Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan,
at ginawa niyang ligtas ang aking daan.
34 Ginawa(G) niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko;
at pinatatag niya ako sa matataas na dako.
35 Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma.
upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana.
36 Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan,
at pinadakila ako ng iyong kaamuan.[a]
37 Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
at ang aking mga paa ay hindi nadulas;
38 Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila,
at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol.
39 Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon;
sila'y nabuwal sa paanan ko.
40 Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok,
ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog.
41 Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko,
yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko.
42 Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas;
sila'y dumaing sa Panginoon, ngunit sila'y hindi niya tinugon.
43 Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa;
dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan.
44 “Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan;
iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa;
naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin,
pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin.
46 Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay,
at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan.
47 “Ang Panginoon ay buháy; at ang aking malaking bato'y papurihan;
at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan,
48 ang Diyos na ipinaghiganti ako
ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko,
49 na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway;
sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal,
iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan.
24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.
32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,
33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(B)
35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.
37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”
39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[a] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,
41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”
42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001