Old/New Testament
Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul
1 Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.
2 At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.
3 Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”
4 Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”
5 At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”
6 Sinabi(A) ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.
7 Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’
8 Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’
9 At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’[a]
10 Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”
11 Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.
12 Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.
13 Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”
14 Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang[b] ng Panginoon?”
15 At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.
16 Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”
Ang Panaghoy ni David para kina Saul at Jonathan
17 Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak,
18 at(B) sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser.[c] Sinabi niya:
19 “Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
Paano nabuwal ang magigiting!
20 Huwag ninyong sabihin sa Gat,
huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.
21 “Kayong mga bundok ng Gilboa,
huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.
22 “Mula sa dugo ng pinatay,
mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.
23 “Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.
24 “Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.
25 “Paano nabuwal ang magigiting
sa gitna ng labanan!
“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26 Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 “Paano nabuwal ang magigiting,
at nasira ang mga sandatang pandigma!”
Si David ay Ginawang Hari sa Juda
2 Pagkatapos nito, sumangguni si David sa Panginoon, “Pupunta ba ako sa alinman sa mga lunsod ng Juda?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka.” At sinabi ni David, “Saan ako pupunta?” At kanyang sinabi, “Sa Hebron.”
2 Kaya't(C) pumunta roon si David, at pati ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na balo ni Nabal, na taga-Carmel.
3 Iniahon ni David ang kanyang mga tauhang kasama niya, bawat isa'y kasama ang kanyang sambahayan; at sila'y nanirahan sa mga bayan ng Hebron.
4 Dumating(D) ang mga lalaki ng Juda, at kanilang binuhusan ng langis si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda. Nang kanilang sabihin kay David, “Ang mga lalaki sa Jabes-gilead ang siyang naglibing kay Saul,”
5 nagpadala ng mga sugo si David sa mga lalaki sa Jabes-gilead, at sinabi sa kanila, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, sapagkat kayo'y nagpakita ng ganitong katapatan kay Saul na inyong panginoon, at inyong inilibing siya!
6 Ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng wagas na pag-ibig at katapatan! Gagawan ko naman kayo ng mabuti sapagkat ginawa ninyo ang bagay na ito.
7 Ngayon nga, lumakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang, sapagkat patay na si Saul na inyong panginoon, at ako'y binuhusan ng langis ng sambahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.”
Si Isboset ay Ginawang Hari ng Israel
8 Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim;
9 at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel.
10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David.
11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan.
Digmaan ng Israel at Juda
12 Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim.
13 At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.”
15 Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David.
16 At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim[d] na nasa Gibeon.
17 At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David.
18 At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa;
19 at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.
20 Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.”
21 Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya.
22 At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?”
23 Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto.
24 Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon.
25 Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol.
26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?”
27 At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.”
28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa.
29 Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim.
30 Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel.
31 Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner.
32 At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit
14 Isang Sabbath, nang pumasok si Jesus[a] sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain, kanilang minamatyagan siya.
2 At noon, sa kanyang harapan ay may isang lalaking namamanas.
3 Nakipag-usap si Jesus sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, “Ipinahihintulot ba o hindi na magpagaling sa Sabbath?”
4 Subalit sila'y hindi umimik. At siya'y hinawakan ni Jesus,[b] pinagaling, at pinahayo.
5 At(A) sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo, kung ang anak[c] o bakang lalaki ay nahulog sa hukay, hindi ba agad ninyo iaahon sa araw ng Sabbath?”
6 At hindi sila nakasagot sa mga bagay na ito.
Kapakumbabaan at Pagpapatuloy ng Panauhin
7 Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga.
8 “Kapag(B) inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo,
9 at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.’ Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar.
10 Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.’ Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag.
11 Sapagkat(C) ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”
12 Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan.
13 Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag,
14 at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(D)
15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
16 Subalit sinabi ni Jesus[d] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.
17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’
18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’
21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’
22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001