Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 19-21

Si David ay Tinugis ni Saul

19 Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak at sa lahat ng kanyang mga lingkod na dapat nilang patayin si David. Ngunit si Jonathan na anak ni Saul ay lubos na nalulugod kay David.

Kaya't sinabi ni Jonathan kay David, “Pinagsisikapan kang patayin ni Saul na aking ama. Kaya't maging maingat ka sa kinaumagahan, manatili ka sa isang lihim na lugar at magtago ka.

Ako'y lalabas at tatabi sa aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipag-usap sa aking ama tungkol sa iyo; at kung may malaman akong anuman ay aking sasabihin sa iyo.”

At si Jonathan ay nagsalita nang mabuti tungkol kay David kay Saul na kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo at ang kanyang mga gawa ay mabuting paglilingkod sa iyo.

Inilagay niya ang kanyang buhay sa kanyang kamay at pinatay niya ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka; bakit magkakasala ka laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David na walang anumang kadahilanan?”

At pinakinggan ni Saul ang tinig ni Jonathan. Sumumpa si Saul, “Habang buháy ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.”

Kaya't tinawag ni Jonathan si David at sinabi ni Jonathan sa kanya ang lahat ng mga bagay na iyon. Dinala ni Jonathan si David kay Saul at siya'y naging kasama niya[a] na gaya ng dati.

Muling nagkaroon ng digmaan. Lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo, at napakarami ang kanyang napatay sa kanila at sila'y tumakas sa kanya.

Pagkatapos, isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang dumating kay Saul, habang nakaupo sa kanyang bahay na hawak ang sibat at tumutugtog si David ng alpa.

10 Pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dingding; ngunit siya'y nakailag sa harap ni Saul at ang tinamaan ng sibat ay ang dingding. Tumakbo si David at tumakas nang gabing iyon.

11 Nagpadala(A) si Saul ng mga sugo sa bahay ni David upang siya'y matyagan, upang siya'y patayin sa kinaumagahan. Subalit sinabi kay David ng kanyang asawang si Mical, “Kapag hindi mo iniligtas ang iyong buhay ngayong gabi, bukas ay mapapatay ka.”

12 Kaya inihugos ni Mical si David sa isang bintana, at siya'y tumakbong palayo at tumakas.

13 Kumuha si Mical ng isang imahen at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan iyon ng mga damit.

14 Nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kanyang sinabi, “Siya'y may sakit.”

15 Nagpasugo si Saul upang tingnan si David, na sinasabi, “Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kanyang higaan upang aking patayin siya.”

16 Nang pumasok ang mga sugo, nakita nila ang imahen ay nasa higaan na may unan na buhok ng kambing sa ulunan nito.

17 Kaya't sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako dinaya ng ganito, at iyong pinaalis ang aking kaaway, kaya't siya'y nakatakas?” At sumagot si Mical kay Saul, “Sinabi niya sa akin, ‘Hayaan mo akong umalis; bakit kita papatayin?’”

18 Si David ay umalis at nakatakas, at siya'y pumunta kay Samuel sa Rama, at sinabi sa kanya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Siya at si Samuel ay humayo at nanirahan sa Najot.

19 At ibinalita kay Saul, “Si David ay nasa Najot sa Rama.”

20 Kaya't nagpadala si Saul ng mga sugo upang dakpin si David. Nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nagsasalita ng propesiya, at si Samuel na tumatayong puno nila, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.

21 Nang ito ay ibalita kay Saul, siya'y nagpadala ng ibang mga sugo at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. At si Saul ay muling nagsugo sa ikatlong pagkakataon at sila man ay nagsalita rin ng propesiya.

22 Nang magkagayo'y pumunta rin siya sa Rama at dumating sa malaking balon na nasa Secu. At siya'y nagtanong, “Saan naroon sina Samuel at David?” At sinabi ng isa, “Sila'y nasa Najot sa Rama.”

23 Mula roo'y pumunta siya sa Najot sa Rama; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating din sa kanya, at habang siya'y humahayo ay nagsasalita siya ng propesiya hanggang sa siya'y dumating sa Najot sa Rama.

24 Naghubad(B) din siya ng kanyang mga kasuotan at siya man ay nagsalita rin ng propesiya sa harap ni Samuel, at siya'y nahigang hubad sa buong maghapon at magdamag. Kaya't sinasabi, “Pati ba si Saul ay isa na rin sa mga propeta?”

Tinulungan ni Jonathan si David

20 Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, “Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?”

At sinabi niya sa kanya, “Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon.”

Subalit sumagot muli si David, “Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, ‘Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.’ Ngunit sa katotohanan, habang buháy ang Panginoon, at buháy ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, “Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.”

Kaya't(C) sinabi ni David kay Jonathan, “Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, ‘Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.’

Kung kanyang sabihing, ‘Mabuti!’ ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya.

Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?”

At sinabi ni Jonathan, “Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?”

10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, “Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?”

11 At sinabi ni Jonathan kay David, “Halika, tayo'y lumabas sa parang.” At sila'y kapwa lumabas sa parang.

12 Sinabi ni Jonathan kay David, “Sa pamamagitan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo?

13 Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng Panginoon kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang Panginoon nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama.

14 Kung ako'y buháy pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng Panginoon, ngunit kung ako'y mamatay;

15 huwag(D) mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.”

16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, “Gantihan nawa ng Panginoon ang mga kaaway ni David.”

17 Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay.[b]

18 Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, “Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan.

19 Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel.

20 Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan.

21 Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, ‘Hanapin mo ang mga palaso.’ Kung aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,’ kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buháy ang Panginoon, ligtas para sa iyo at walang panganib.

22 Ngunit kapag aking sabihin sa bata, ‘Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,’ ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng Panginoon.

23 Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang Panginoon ay nasa pagitan natin magpakailanman.”

24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.

25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.

26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”

27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”

28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;

29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”

30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”

32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”

33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.

34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.

35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.

36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.

37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”

38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.

39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.

40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”

41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[c] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.

42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[d]

Tumakas si David kay Saul

21 Nang(E) magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, “Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?”

At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, ‘Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.’

Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito.”

At sumagot ang pari kay David, “Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay—malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae.”

Sumagot si David sa pari, “Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?”

Kaya't(F) binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng Panginoon, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin.

Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa Panginoon. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.

At sinabi ni David kay Ahimelec, “Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian.”

Sinabi(G) ng pari, “Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon.” At sinabi ni David, “Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin.”

10 Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat.

11 At(H) sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, “Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi,

‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
    at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”

12 Iningatan(I) ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat.

13 Kaya't(J) kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin?

15 Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?”

Lucas 11:29-54

Ang Tanda ni Jonas(A)

29 Nang(B) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.

30 Kung(C) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.

31 Ang(D) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.

32 Ang(E) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.

Ang Liwanag ng Katawan(F)

33 Walang(G) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.

35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.

36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”

Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(H)

37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.

38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.

39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.

40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?

41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.

42 Subalit(I) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[a] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.

43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.

44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”

45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”

46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.

47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.

48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.

49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’

50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;

51 mula(J) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.

52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”

53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,

54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001